Home Headlines Mga ‘Malikhaing Pinoy’ sa Gitnang Luzon, hinikayat na irehistro ang hanapbuhay

Mga ‘Malikhaing Pinoy’ sa Gitnang Luzon, hinikayat na irehistro ang hanapbuhay

629
0
SHARE
Ipinapaliwanag ni DTI- OIC Regional Director Brigida Pili ang kahalagahan na mairehistro ang mga indibidwal o grupo nasa Creative Industry upang mas maging mabilis at madali ang pagbibigay ng tulong at pag-agapay mula sa mga proyekto at programa na nakapaloob sa Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industries Development Act (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga creative worker sa Gitnang Luzon na irehistro ang kani-kanilang mga hanapbuhay o pinagkakakitaan upang makinabang sa mga proyekto sa ilalim ng Malikhaing Pinoy Program.

Ito ay naayon sa Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industries Development Act.

Sa ginanap na Touchpoint 4.0: Central Luzon Business Conference, sinabi ni DTI OIC-Regional Director Brigida Pili na layunin ng programa na magkaroon ng siguradong listahan kung sinu-sino ang lehitimong nasa Creative Industry nang sa ganoon ay maging madali ang pag-agapay at pagbibigay ng tulong ng pamahalaan para sa lalo nilang pag-unlad.

Kabilang sa mga tinukoy na nasa tinatawag na Creative Industry ay ang Audiovisual Media, Creative Services, Digital Interactive Media, Design, Publishing and Printed Media, Performing Arts, Visual Arts, Traditional Cultural Expressions, Cultural Sites at Other Emerging Segments.

Binigyang diin naman ni DTI OIC-Assistant Regional Director Edna Dizon na ang pagtutok sa Creative Industry ay pagbibigay ng ganap na pagkilala at katarungan sa mga malikhaing gawa sa larangan ng sining at kultura.

Ito rin aniya ang magpapasimula upang higit na magkaroon ng inobasyon at makalikha ng yaman at kabuhayan mula sa Creative Industry.

Gayundin ang pagtitiyak na mapangangalagaan ang Intellectual Property Rights ng bawat likha at lumikha.

Iginiit ni Pangasinan 4th district representative Christopher De Venecia, na siyang principal author ng Republic Act 11904 sa Kamara, na kailangang mas gawing organisado ang mga indibidwal o grupo na nasa Creative Industry.

Halimbawa na rito ang pagkukumpleto ng mga dokumentasyon bilang ganap na negosyo at mapalakas ang mga pagkakakilanlan.

Kaugnay nito, malinaw na isinaad sa naturang batas kung paano direktang makakatulong ang pamahalaan sa mga nasa industriyang ito sa pamamagitan ng pagbubuo sa Philippine Creative Industry Development Council.

Pangungunahan ng DTI ang pagtataguyod ng konseho na ito na kabibilangan ng mga kinatawan mula sa traditional cultural expressions, cultural sites, performing arts, audiovisual media, visual arts, creative services, digital interactive media, design at publishing and printed media.

Kasapi rin bilang ex-officio ang mga kinatawan mula sa Department of Tourism, National Commission for Culture and the Arts, Intellectual Property Office of the Philippines, Department of Foreign Affairs, Department of the Interior and Local Government, National Economic and Development Authority, Department of Science and Technology, Department of Education, at Department of Information and Communications Technology.

Magsisilbing mekanismo ang konseho upang maibalangkas at mailatag ang National Creative Industries Development Plan at ang National Cultural Policy and Plan.

Nakapaloob dito ang mga pamamaraan kung paano maipapatupad ang mga polisiya sa industriya, at makalahok ang pribadong sektor sa larangan ng marketing at promotion.

Magkakaroon din ng Creative Workers’ Welfare Standing Committee na tutugon sa kapakanan ng mga Creative Workers lalo na ang mga freelancer na magkaroon ng tuluy-tuloy na kabuhayan mula rito.

Kapag naiorganisa ang mga Creative Workers, tutulong ang konseho upang makatamo sila ng pondo mula sa binuong Creative Industry Development Fund upang makatulong sa research and development, trade promotion at human resource development.

May inisyal na P360 milyon ang inilaan ng Department of Budget and Management para rito na nasa Pambansang Badyet ng 2023.

Iba pa rito ang mga suporta sa imprastraktura, inobasyon, digitalization at fiscal incentives kung saan makikinabang din sila sa umiiral na Republic Act 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here