ano ang nangyari, sa pagsisiyasat,
hinggil sa flood control, pondo na nilimas,
isang bulang gugo, sa apoy pag-ampat,
ang pamamahayag, ginawang kalasag.
binaling ang paksa, sa kalabang mortal,
sa’king pagsusuri, nilito ang bayan,
senadong hukuman, dulang sinubaybay,
b’wis ng mamamayan, nasasayang lamang.
mayr’on ngang dinakip, biglang nagkasakit,
sandaling pagpiit, hindi nababatid,
may magaganap bang sa kanya’y lilitis,
pagdududang ganap, sasagi sa isip.
makabagong anyo, ng Batas Militar,
ang mga husgado, tila kasangkapan,
binaluktot lahat, nang makaganti lang,
dating oposisyon, nangagbaliktaran.
lupit ng habagat, ilang buwang darating,
may paghahanda ba, o ibang layunin?,
bagong Approved Budget, dito nakatingin,
tayong taumbayan, ay sinasalamin.
nang walang magawa, puno ng ahensya,
balik DOTr, dating kanyang linya,
robot ding susunod, pagkamkam ng pera?,
pondong sa tanggapan, billions ang halaga.
paano babangon, sa pagkakadapa,
kung lagi sa isip, iyang pulitika,
pagmudmud ng pera, di sariling bulsa,
ang pantawid gutom, ay pansamantala.
ang pag-alinlangan, may demokrasya ba?
pagbabago kaylan, kung bansa’y lugmok na?,
hanggat umiiral, bulok na sistema,
pag-umit sa kaban, hindi lang iisa.
liwanag sa dilim, ang ngayo’y katulad,
ang mukha ng buwan, tinakpan ng ulap,
ga’no mang pagdungaw, may tabing sa harap,
kaylan mangyayari, ganap na pagsinag?
(Larawang kuha ni Caesar ‘Bong’ Lacson)



