“GUSTO PO naming makita si Hesus.” Ito daw ang pakiusap kay Felipe ng mga Griyegong nasa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paskwa. Lumapit daw ang mga ito sa kanya at dinala niya sila kay Andres. Pagkatapos silang dalawa ang lumapit kay Hesus nagpaabot sa kanya ng pakiusap ng mga bisita.
Ano bang klaseng pista ang ipinagdiriwang ng mga Hudyo kapag Paskwa (Passover)? Ito ang Pista ng kanilang paglaya mula sa kanilang pagkaalipin sa Egipto. Isinasaritwal nila ito taon-taon sa pamamagitan ng kanilang pagtitipon para sa Huling Hapunan ng mga Israelita sa Egipto bago sila lumaya. Ang naging simbolo nila ng paglaya ay ang inihaw na biserong tupa o Kordero. Pagkatay nila nito, iwiniwisik ang dugo sa hamba ng kanilang mga pintuan. At pagkatapos tahimik nilang pinagsasaluhan ang laman ng inihaw na kordero na kanilang kinukurot-kurot. Ang dugo at laman ng kordero ng Paskwa ang magtatawid sa kanila sa kamatayan at magpapalaya sa kanila mula sa pagkaalipin.
Kaya nang lumapit ang mga Griyego upang makita si Hesus, naging parang hudyat ito kay Hesus na malapit nang matupad ang kanyang misyon. Ibang klaseng Paskwa ang mangyayari sa buhay ng mga alagad, pati na rin ng mga Griyegong bisita nila. Ang korderong mag-aalay ng kanyang katawan at dugo ay hindi hayop kundi ang mismong anak ng Diyos. Siya ang magtatawid, hindi lang sa Israel kundi sa buong sangkatauhan patungo sa buhay na walang hanggan. Ang balakid na nagdudulot ng kamatayan ay ang kasalanan, ngunit ang kordero ng Diyos, sa pamamagitan ng kanyang laman at dugo ang siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng buong sanlibutan.
Kakaibang klaseng kamatayan ito. Hindi katapusan ng buhay kundi simula ng buhay na walang hanggan, kamatayan ng Anak ng Tao upang mabunyag ang Anak ng Diyos. Kamatayang bubuhay sa mga anak ng tao upang makibahagi sa pagiging mga Anak ng Diyos. Ito ang Paskwang pinaghahandaan natin sa Kuwaresma taon-taon.
Kaya sinabi ni Hesus, “Ito na ang sandali na dumating upang luwalhatiin ang Anak ng Tao.” Kay San Juan ang kamatayan ng Anak ng Diyos sa krus ay hindi pagkatalo kundi tagumpay. Kaya’t ginamit niya ang talinghaga ng butil ng trigo at pagkahulog nito sa lupa. Bibigyan niya ng positibong kahulugan ang pagkahulog, na madalas inuuugnay natin sa kasalanan—pagkahulog sa tukso. Ang pagkahulog na ituturo niya sa atin ay katulad ng pagtatanim ng mga butil ng palay.
Kahit sa Pilipino, positibo ang salitang HULOG—kahulugan, kabuluhan, layunin, pinag-aalayan. Magandang larawan. Paano ka iigib ng tubig kung wala kang timba? Ano ang kahuhulugan ng tubig? Masasayang lang. Magandang talinghaga para sa buhay na may layunin o pinag-aalayan. Ang kabaligtaran ay buhay na nagkakalat. Kaya sinasabi ng kantang pananagutan: “walang sinuman ang nabubuhay PARA SA SARILI LAMANG.” Totoo ba iyon? Depende. Kasi may mga taong nabubuhay para sa sarili. Siguro ang talagang sinasabi ng kanta ay “Walang sinumang ibig mabuhay na makahulugan ay mabubuhay para sa sarili lamang.”
Iyon din ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo: sa talata 25: “Ang taong nagdaramot sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi ipinagdaramot ang kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”
Ang buhay na may pinag-aalayan, may pananagutan, ito ang buhay na makahulugan. Kumbaga sa palay may laman. Ang walang pinag-aalayan ay mukhang palay, pero ipa lamang. Walang laman. Kahit mahulog, walang tutubo.
Kaya kapag lumapit tayo kay Hesus at nakita natin sa kanya ang Kristo, makikita rin natin ang sikreto ng buhay-palay, buhay na makabuluhan, buhay na malaman. Hindi takot mahulog, magdusa at mamatay upang magbigay-buhay katulad ng Paskwa, ang kordero ng Diyos na nag-alay ng laman at dugo niya para sa sanlibutan. Kung gusto rin ninyong makita si Hesus, makikita nyo rin siya sa Eukaristiyang ito dahil siya ang tunay na paring tagapag-alay ng kaisa-isa at bukod-tanging sakripisyo. Tatanggapin natin siya sa komunyon upang siya at tayo ay maging iisa, upang makabahagi rin niya tayo sa buhay niya at misyon.
(Homiliya para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, 17 Marso 2024, Juan 12:20-33)