Mag-ina at 1 lalaki patay matapos matabunan ng gumuhong landfill

    135
    0
    SHARE

    DINALUPIHAN, Bataan – Dala ng malakas na pag-ulan dulot ng bagyong Pedring, limang bahay sa boundary dito at Lungsod ng Olongapo ang natabunan ng tone-toneladang basura mula sa landfill ng New Cabalan, Olongapo Martes ng gabi.

    Nahukay ng mga rescuers si Lanie Ganseco at ang anak niyang si Iya, isang taon at apat na buwan, sa loob ng nakabaong bahay nila sa Barangay Bangal, sa bayang ito Miyerkules ng hapon.

    Hinihinalang nasa loob din ng kanyang natabunang bahay si Hammer Dasen na ayon sa mga residente sa paligid ay masyadong malalim ang pagkakatabon.

    Sinabi ng asawang si Martin Ganseco na pumasok siya sa trabaho bilang security guard sa isang tindahan sa Lungsod ng Olongapo nang mangyari ang landslide. Ligtas naman umano sa lugar na iyon at hindi niya inaasahan na ganoon ang mangyayari sa kanyang mag-ina.

    “Matulungan lamang akong maipalibing ang aking mag-ina, ayos na sa akin,” sabi ni Ganseco na nangingilid ang luha sa mga mata. May nagsabi umano sa kanya na tutulungan naman siya ng pamahalaang lungsod ng Olongapo.

    Dinala sa Baluyot Funeral Homes sa Subic, Zambales ang mga labi ng kanyang mag-ina.

    Ayon kay Francis Santos, isang magkakatay ng baboy, nakarinig sila ng malakas na putok mula sa landfill bandang alas-8 ng gabi. “Parang may eroplanong bumagsak na pagkatapos ay tuloy-tuloy na gumulong pababa ang mga basura.”

    Aniya, mula noong 2004 kung kailan siya nanirahan sa lugar, ngayon lamang nangyari ang landslide. “Hindi naman umaabot ang basura sa mga bahay sa ibaba,” sabi pa ni Santos.

    Matatagpuan ang mga bahay na natabunan sa lumbak na bahagi samantalang ang bahay ni Santos ay nasa mataas na parte.

    Tanging ang bahay ng mga Ganseco ang sakop ng Dinalupihan samantalang ang apat pang natabunan ay sakop naman ng Lungsod ng Olongapo.

    “Segundo lamang ang malakas na dagundong na sinundan ng ingay na tila nagbabagsakang yero,” sabi ni Analyn Lazo na matagal ng naninirahan sa mataas na bahagi malapit sa mga natabunang bahay.

    Lulusong sa matarik na hagdang gawa sa gulong ng motorsklo na tinambakan ng buhangin sa gitna upang marating ang mga bahay na natabunan.

    Dalawa sa limang bahay na natabunan ang litaw ang bubong kaya tinanggal ng may-ari ang mga yero upang mapakinabangan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here