Mabungang pagpapagal at pamamahala

    617
    0
    SHARE

    Madaming mga bagay ang nalalaman at natutuklasan ng mga Angeleño ngayon na hindi nila gaanong binigyan ng pansin nang nakaraang mga taon o dekada.

    Sabagay bata pa tayo noon at hindi masyadong nakikilahok o nakikialam sa mga pampulitikang mga gawain. Pero ngayon ay nakapagsusuri na ang bawat isa ukol sa ibat ibang mga isyu kasama na ang pulitika.

    Ngayon ako naniniwala na malaking pakinabang sa mga tao ang kumpetisyon, maging ito ay sa negosyo o sa pulitika.

    Madami ang naglalabasang mga proyekto, mga tulong pinansyal, trabaho, sports events, oportunidad at marami pang iba. Madami din mga positibong balita ang aking nababasa at napapanood mula dito sa ibang bansa.

    Sa loob pala ng tatlong taon ay pwede palang makapagpatayo ng isang City College of Angeles kung saan madami ang makakapagtrabaho at makakapag-aral ng halos libre at walang iniisip na bayarin.

    Hindi hadlang ang kahirapan upang makatapos sa kolehiyo. Mayroon narin kagaya nito sa Lungsod ng San Fernando at Mabalacat.

    Sana ay makapagbigay ito ng sapat na sahod sa mga magtuturo upang lalo pang tumaas ang kalidad ng edukasyon dito kahit ito ay pampubliko.

    Karamihan ngayon sa mga nakatapos ng nursing sa Angeles, o maging sa ibang mga lugar, ay hirap makahanap ng trabaho.

    Mabuti nalang ay ipinaayos, nilakihan at pinalawak ang operasyon ng Ospital Ning Angeles (ONA) at Renal Care Unit.

    Madami sa mga nurses na ito ay nagka-trabaho at sumeserbisyo na ngayon sa mga kapus palad na mga Angeleñong may sakit. Ayon kay Ginoong Alex Cauguiran, chief of staff ni Mayor Ed Pamintuan, nasa 211 na rin ang mga regular na nagpapa-dialysis na nakakatipid ng malaki dahil may kamahalan ito sa mga pribadong pagamutan.

    Bukod sa pagpapagamot sa ONA, mayroon narin palang Medikalinga kung saan ginagamot ang iba pang klase ng sakit kagaya ng katarata at inooperahan ang may maliliit na bukol sa katawan.

    Naisagawa din ang Milo marathon sa lungsod noong Hulyo kung saan libo-libo ang lumahok kahit medyo masama ang panahon. Sa susunod na taon ay dito muling gaganapin ang nasabing marathon.

    Ang aking kaibigan na si Rendy Isip ng Clark International Airport Corp. na nangakong tatakbo ng 21 kilometers ay hindi nakita ang kanyang anino ng aking mga kasama na sumali. Pero sigurado ako na hindi na niya ako bibiguin at sasali na siya sa 2013. 

    Lalo pang sumipag ngayon ang mga manlalaro ng chess, table tennis, volleyball, basketball, track and field at swimming dahil sa pagsali sa mga pang-rehiyon, pang-nasyunal na laro at dahil sa mga taunang kumpetisyon na inoorganisa ng Angeles City Sports Office.

    Ito na siguro ang mga magiging legacy o pamana ng administrayong Pamintuan sa mga Angeleño. Isa itong mabungang pagpapagal at magandang halimbawa ng mabuting pamamahala.

    q q q

    Palaisipan parin sa marami ang naging desisyon ni Congressman Carmelo Lazatin upang labanan si Mayor Pamintuan sa pagka-alkalde ng Lungsod ng Angeles. Kailan lamang ay napanood ko ang isang video clip (sa Facebook) kung saan pinuri ni Lazatin ang alkalde sa kanyang mga nagawa sa lungsod.

    Sa kanyang pambungad na salita, sinabi ni Lazatin na: “…sa ating mga bisita headed by mayor na siguradong mayor na naman sa susunod…Mayor Ed Pamintuan.”

    “Ang atin pong mayor ay naglaan ng mahigit P16 million [para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan] at yan ay na-bid na at yan ay magagawa na.” “Ito po siguro, ay maybe about 44 classrooms.” 

    “Kaya ang atin pong mayor ay nagpagawa din ng (City) College, at yun po ay napakaganda.

    Ito ay pakikinabangan ng ating mga mamamayan dito sa Angeles lalo na ating mga kabataan na may ulo naman ngunit wala hong pera para ibayad sa kanilang edukasyon.”

    “Yung natitirang P80 milyon ay pinagawa niya ang ating ospital.”

    “Kaya ang masasabi ko, kahit sino pa ang makalaban niya, maski ano pang partido ay wala po siyang katalo talo,” ani Lazatin sa kanyang panghuling pananalita.

    Nang mga nakaraang buwan ay nakakwentuhan naman namin ang chief of staff ni Lazatin na si IC Calaguas.

    Sinabi niya na hindi hahabol ng mayor si Lazatin dahil masyadong madaming ginagawa at nakakapagod ang maging isang alkalde kaya mas gusto umano ng kanyang boss na manatiling congressman.

    Ngayon na hahabol siya ng alkalde, naitanong ko sa sarili ko, “tila niloloko yata ni Lazatin ang mga tao?

    Para ko narin narinig si dating Pangulong GMA noong sinabi niya na hindi na muling hahabol pa ng pagka-presidente ng Pilipinas. Gusto ko na tuloy maniwala na si Lazatin nga ang isa sa mga confidential adviser ng dating pangulo at ngayo’y congresswoman ng ika-2 distrito ng Pampanga.

    Sa kabilang banda naman ay naisip ko rin na karapatan niyang humabol ng mayor.

    Yun nga lang, sa biglaang pagbabago ng kanyang desisyon ay nag-iwan ito ng malaking katanungan sa isip ng mga Angeleño at ng mga taga-Mabalacat at Magalang.

    Malalim ang naging samahan ng dalawang magkalaban ngayon dahil sila ang nagtulungan upang matalo si Francis “Blueboy” Nepomuceno.

    Sinasabing ang pagkatalo niya ay dahil narin sa sari-saring mga anomalya, ghost workers, alegasyon ng korapsyon sa city hall kasama na ang pangungutang ng P600-million na pampagawa ng sports complex na walang ibang nagbulgar kundi si Lazatin.

    Pero sa kabila nito, pinili parin ni Lazatin na makisangga at maki-alyansa kay Nepomuceno. Ito nga siguro ang dahilan kaya lagi natin nasasambitla: “napakarumi talaga ng pulitika.”

    SHARE
    Previous articleAnti-gun campaign nets 2
    Next articleIndu

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here