Home Headlines Paggunita sa Pagputok ng Bulkang Pinatubo: Ang tunay na monumento ay nasa...

Paggunita sa Pagputok ng Bulkang Pinatubo: Ang tunay na monumento ay nasa pamayanan, hindi lamang sa Clark

768
0
SHARE

ANG PAGGUNITA sa Pinatubo ay hindi dapat maging paglikha ng mga bagong bida, kundi isang tapat na pagbibigay-pugay sa lahat ng tunay na naging bahagi ng kasaysayan.

Tatlumpu’t limang taon na ang lumipas mula nang maganap ang mapaminsalang pagputok ng Bulkang Pinatubo noong Hunyo 15, 1991.

Ang itinayong marker sa Clark Parade Grounds ay may makasaysayang halaga. Kinilala nito ang mahalagang papel ng Clark bilang sentro ng operasyon ng pinagsanib na grupo ng mga siyentista mula sa PHIVOLCS at USGS na nagmonitor sa pagputok ng bulkan, gayundin ang malaking epekto ng kalamidad sa Clark Air Base at sa naging pagbabago nito tungo sa Clark Freeport Zone.

Subalit mahalagang maunawaan na ang kasaysayan ng Pinatubo ay hindi nagtatapos sa Clark.

Ang pinakamabigat na pasanin ng sakuna—ang pagkawala ng tahanan, pagkawasak ng mga komunidad, pag-agos ng lahar sa loob ng maraming taon, at ang mahaba at napakahirap at napakabigat na proseso ng rehabilitasyon—ay pinasan ng mga mamamayan ng Pampanga, Tarlac, at Zambales at Lungsod ng Angeles.

Ang mga bayan ng Porac at Bacolor ay kabilang sa mga lugar na lubhang sinalanta ng lahar. Ang kanilang mga komunidad ay halos mabura sa mapa. Ang kanilang muling pagbangon ay bunga ng katatagan ng mga mamamayan at ng pamumuno ng mga lokal na pinuno na nanatili kasama ng kanilang mga nasasakupan sa gitna ng pinakamahirap na panahon.

Ang Lungsod ng Angeles ay may natatanging kabanata rin sa kasaysayan ng pagbangon matapos ang pagputok ng Pinatubo at ang pagsasara ng Clark Air Base. Sa ilalim ng panawagang “Agyu Tamu” (Kaya Natin), nagkaisa ang mga Angeleno upang harapin ang kawalan ng katiyakan at muling itayo ang kanilang ekonomiya at komunidad.

Kung ang layunin ng paggunita ay maging tapat sa kasaysayan, nararapat na pagkilala ay hindi lamang nakatuon sa mga institusyon na nakatayo ngayon, kundi sa mga indibidwal, organisasyon, at komunidad na tunay na nagsakripisyo at kumilos noong panahon ng sakuna at sa mga taong sumunod dito.

Kabilang sa mga nararapat kilalanin ay sina:

-Ang yumaong Gobernador Bren Z. Guiao at ang kanyang pamilya;

-Dating Gobernador at kasalukuyang Senador Lito Lapid;

– Dating Mayor ng Lubao at kasalukuyang Gobernador Lilia “Baby” Pineda;

– Dating Mayor Edgardo “EdPam” Pamintuan ng Lungsod ng Angeles;

– Dating Congressman Oscar S. Rodriguez

-Ang pamilya ni dating Mayor Roy David ng Porac;

-Ang pamilya ni dating Mayor Wilfredo “Fred” Halili ng Mabalacat;

-Dating Mayor Marino “Boking” Morales” ng Mabalacat

-Dating Mayor Atty. Ananias “Jun” Canlas ng Bacolor;

-Dating Mayor Romeo “Buddy” Dungca ng Bacolor

-Ang Save Pampanga Movement sa pangunguna nina Levy P. Laus at Engr. Mar Castro;

-Ang Pampanga Press Club at iba pang lokal na organisasyon ng media na nagsilbing tulay ng impormasyon at naging katuwang sa pag-uulat ng tunay na kalagayan ng mga komunidad;

-Ang Angeles Kuliat Jaycees;

-Ang SALU sa pangunguna ni Dr. Irineo “Bong” Alvaro.

 

Sila, kasama ang napakarami pang hindi nabanggit na mga volunteer, manggagawa, kawani ng pamahalaan, relief workers, at ordinaryong mamamayan, ay hindi nagmamay-ari ng kasaysayan ng Pinatubo. Ngunit sila ang naging mga kamay na sumulat sa isa sa pinakamahalagang kabanata ng pagbangon ng Pampanga.

Bagama’t likas ang pagbabago sa mga institusyon at pamunuan sa paglipas ng panahon, ang mga napatunayang tala ng kasaysayan ay nananatiling pundasyon ng ating kolektibong kaalaman.

Ang tunay na paggunita ay hindi nakasalalay sa kung sino ang naglalahad ng salaysay ngayon, kundi sa ating tapat at makatarungang pagkilala sa mga komunidad at indibidwal na nag-ambag ng kanilang sakripisyo, katatagan, at pagtitiis sa gitna ng pakikibaka at muling pagbangon.

Ang Clark ay bahagi ng kasaysayan ng Pinatubo. Ngunit ang tunay na monumento ng pagputok nito ay matatagpuan sa mga bayan, lungsod, at mga mamamayang bumangon mula sa abo at rumaragasang Lahar.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here