ARAYAT, Pampanga – Bago sumapit ang Pasko sa taong ito, madadaanan na ang matagal na natenggang tulay sa Barangay San Agustin na nag-uugnay sa mga lalawigan ng Pampangaat Nueva Ecija.
Ito ang binitiwang pangako ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon sa muli niyang pag-inspeksyon sa halos 300-metrong San Agustin Bridge kasama sina Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda at Mayor Jeffrey Luriz ngayong Biyernes, Oktubre 9.

Layunin ng kanilang pagbisita na alamin ang kasalukuyang estado ng proyekto at matiyak ang tuloy-tuloy at mabilis na pagsasagawa ng mga kinakailangang trabaho upang mapabilis ang pagkumpleto nito.

Ayon sa DPWH, aabot sa P237 milyon ang kabuuang pondong nakalaan para sa Phase 1 hanggang Phase 3 ng proyekto. Sa kasalukuyan, nasa 60% na ang pagkakumpleto ng Phase 2, na target matapos sa susunod na buwan.

“Nine years ito, halos isang dekada na. Noong pumunta ako rito, eight years na ito. Ngayon, nine years na, hindi pa rin matapos-tapos. Wala pa sa kalahati ang natatapos. Putol doon, tapos nagdudulot ng matinding trapiko rito,” ani Dizon. “Batay sa direktiba ng ating Pangulo, tatapusin natin ang mga proyektong hindi matapos-tapos. Ito ang napakagandang halimbawa na puwede naman pala. In six to seven months mula nang simulan natin, heto, patapos na tayo ngayon,” dagdag niya. Pampanga PIO/Photos: Ivanne Manarang



