LUPAINGNINUNO:
    Pangangalaga sa kabundukan pryoridad ng mga katutubo

    1189
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan—Sa murang edad, iminulat na ng matatandang katutubong Dumagat kay Dante Dela Rosa ang kahalagahan ng pangangalaga sa kabundukan ng Sierra Madre.

    Simple ang mensahe ng Kalake-lake me sa mga kabataang katutubo: “Kapag nawala ang kabundukan, wala na rin tayong pupuntahan.”

    Ang Kalake-lake me ay ang Sanggunian ng Matatandang Dumagat na kung tawagin sa wikang Ingles ay “Council of Elders.”

    Para sa mga katutubong tulad ni Dela Rosa, ang payo ng Kalake-lake me ay hindi puwedeng mabali.
    Ito ay dahil sa ang pananatili ng kabundukan at ng kalikasang nakaloob doon ay katumbas ng buhay at kalinangan ng kanilang pamayanan.

    Dahil dito, nais man niyang ipagpatuloy ang nasimulang pag-aaral sa high school, ay mas piniliniya na umanib sa mga katutubong bumubuo sa Citizen Auxillary Force Geographical Unit (Cafgu) na inorganisa ng sandatahang lakas ng bansa.

    Pangunahing layunin ng pag-buo sa Cafgu ay mabigyang proteksyon ang kabundukan ng Sierra Madre mula sa mga timber poachers o mga namumutol ng punong kahoy sa kabundukan partikular na sa nasasakupan ng 63,000 ektaryang Angat Dam Watershed na nakabalatay sa kabundukan ng Sierra Madre.

    Ang kabuuan ng Angat Watershed ay nasakop ng mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, Norzagaray at Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan; at Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.

    “Natanim sa isipa‘t kalooban ko ang madalas banggitin ng mga matatanda noong araw na kapag nawala ang kabundukan, mawawalan na rin kami mapupuntahan, diyan kami umaasa sa kabundukan,” ani Dela Rosa.

    Ito ay dahil sa ang kabundukan ng Sierra Madre ay hindi lamang bahagi ng pamayanan ng mga katutubo, sa halip, iyon ang kanilang tahanan.

    Ayon kay Bro. Martin Francisco, para sa mga katutubo, ang kabundukan ay nakakatumbas ng isang mall o grocery ng mga taga-kapatagan.

    “Ang mga Tagalog at taga kapatagan, kapag may pangangailangang gamit o pagkain o kaya ay nais maglibang, nagpunta sa mga mall.  Ganoon din ang mga Dumagat, sa kabundukan nila nakukuha ang kanilang mga pangangailangan, tulad ng pagkain at kung gusting maglibang, sa kabundukan din sila naglilibang,” ani Francisco.

    Si Francisco ay ang taga-pangulo ng Sierra Madre Environmental Council (SMEC) sa Bulacan.  Siya ay isa sa mga dating tagapagtaguyod ng Indigenous Peoples’ Apostolate Biskal Foundation (IPA-Biskal) na pinasimulan ng simbahang Katoliko.

    Sinabi niya na lubhang mahalaga para sa mga katutubo ang edukasyon at ang pangangalaga sa kabundukan.
    Dahil dito, hindi niya masisi si Dela Rosa nang piliin nito na sumanib sa Cafgu samantalang hindi pa natatapos ang unang taon ng pag-aaral sa high school.

    Inamin ni DelaRosa na hindi naging madali ang kanyang naging desisyon dahil na rin sa mawawalan ng halaga ang kanyang pag-aaral kung ang kanilang lupaing ninuno sa kabundukan ay tuluyang masisira ng mga timber poachers.

    Katulad ng iba pang katutubo, hindi baguhan si Dela Rosa sa pangangalaga ng kabundukan dahil hindi pa man sila umaanib sa Cafgu ay ginagawa na nila ito.

    Ngunit sa kalagayang iyon, nakita niya ang panganib sa buhay dahil sa wala silang sandata.
    “Delikado kung sa delikado, may mga gamit (baril) kasi ang mga ilegalista, kaya pag naaktuhan, posibleng magkaroon ng putukan,” aniya.

    Ngunit ang pakikipaglaban sa mga namumutol ng punong kahoy ay hindi natatapos sa panghuhuli sa mga timber poacher.

    May mga pagkakataon na ang mga lumalaban sa mga timber poacher at dinudukot, tinatakot o kaya ay pinapatay.

    Kabilang dito si Pastor Wilfredo Montecillo na pinatay sa labas ng kapilya ng Assemblies of God sa Barangay Ipo ng bayang ito noong 2005 dahil napaghinalaang siya ang nagbigay ng impormasyon sa mga sundalo hinggil sa noo’y nahuling mga pinutol na kahoy.

    Sa kasalukuyan, sinabi ni Dela Rosa na higit nilang napangangalagaan ang kabundukan kumpara sa nagdaang panahon kung kailan, mas pinili ng mas matatandang Dumagat na umurong sa loob ng kabundukan.

    “Tingin ko mas okay na ngayon, kahit papano napoprotektahan kesa nung araw, umadyas na sila ng umadyas sa tuktok ng Sierra Madre.”

    Inayunan din ito ni Zosimo Torres na sa edad na 70 ay umanib din sa Cafgu upang bigyan ng proteksyon ang kabundukan.

    “Pag di masisira ang bundok ng illegal magiging matibay ang kalikasan, iyan ang tahanan namin,” ani Torres. 

    Sinabi niya na noong bata siya, higit na makapal ang punongkahoy sa Sierra Madre, ngunit marami na rin ang nabawas sa mga nagdaang taon.

    Nagbabala rin si Torres na posibleng makatulad ng kabundukan sa Umiray, Quezon ang kabundukan sa Angat Watershed kung hindi mabibigyan ng protekyon.

    “Pag nawala ang bundok malamang mapaparis sa Umiray na nakalbo,” aniya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here