Kung ako ang pipili ng makatambal
Para maging Bise ni Mayor Pamintuan,
‘Comes year 2016,’ sa re-eleksyon n’yan,
Ang kukunin ko ay tunay na kabagang
Na maaasahang sa lahat ng oras
Ay mapanaligan at sadyang matapat;
At ‘yong ngayon pa lang katuwang na’t lahat
Sa lahat halos ng gawain sa siyudad.
Tama’t marami ang mapagpilian niya
Sa hanay ng ngayo’y malapit sa kanya,
Pero iba na ang kadikit talaga
Pagdating sa usaping pampulitika
Pagkat sa mundo ng pulitika mismo
Kasabiha’y walang kasanggang totoo,
Hangga’t maari ay iwasan ang trapo
Dahil baligtarin ang marami nito.
Dala na rin nitong kapagka nakamit
Na ng iba ang bagay na ninanais,
‘Self interes’ na ang siyang mananaig
Sa kaibuturan ng kanilang dibdib.
Lahat ng paraan ay gagawin nito
Para ilaglag ang kanyang kapartido,
D’yan makikita ang tunay na katoto
Sa nakararami nating pulitiko.
Kaya, kung tayo nga itong tatanungin
Hinggil sa hanay r’yan ng pagpipiliin
Para maging Bise ng ating butihing
Mayor ng Angeles ay makabubuting
Ang ating itambal ay itong malapit
Mismo ang tanggapan niya sa Mayor’s Office,
Na tunay naman ding sadyang kapanalig
At may kasanayan na sa ‘legislative’;
At hindi pa trapo na maituturing,
Sapagkat kumbaga sa ‘sport’ na boksing,
Siya’y ngayon pa lamang aakyat sa ‘ring;’
(Bagama’t sa public office’ siya galing).
Pero bilang dating opisyal din naman
Sa ibang ahensya ng pamahalaan,
Kailanman ay hindi siya nabahiran
Ng anumang mantsa ng katiwalian.
Hanggang sa siya ay maging ‘Chief of Staff’
Ni EdPam o nitong pamahalaang siyudad,
Na kung saan lubos naipakitang ganap
Ng taong ito ang pagiging matapat
At sinseridad niya sa kanyang tungkulin
Bilang katuwang at kanang kamay pa rin
Ni Mayor sa iba pa nitong gampanin
Kahit anong oras siya kailanganin.
Bagama’t di ko pa rin nakapanayam
Hinggil sa plano niya na tumakbo bilang
City Vice Mayor na katiket ni EdPam,
Tinitiyak kong si Alex Cauguiran
Ay magiging tunay na ‘asset’ ng bayan
At kapuri-puri sa panunungkulan
Sakali’t siya ay palaring mahalal,
Dahilan na rin sa kanyang katangian
Na mamuno sa konseho nitong siyudad
Sa paglikha riyan ng magagandang batas,
Na lalo pang ganap na magpapaunlad
Sa Angeles city sa araw ng bukas!