
LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) – Halos 20,000 manggagawa sa Gitnang Luzon ang nabigyan ng pansamantalang hanapbuhay, habang mahigit 1,900 benepisyaryo naman ang nakatanggap ng livelihood assistance sa unang anim na buwan ng 2026 bilang bahagi ng pagpapatupad ng Department of Labor and Employment o DOLE sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang social protection para sa mga manggagawa.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, binigiyang-diin ng Pangulo na kabilang ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) sa mga programang nagsisilbing pansalo sa mga manggagawang nahaharap sa krisis sa pamamagitan ng pansamantalang hanapbuhay at suportang pangkabuhayan.
Batay sa accomplishment report ng DOLE Regional Office 3, hanggang Hunyo 30, 2026, umabot sa 18,950 disadvantaged at displaced workers ang nabigyan ng pansamantalang hanapbuhay at suportang pangkabuhayan.
Naglaan ang ahensya ng ₱314.58 milyon upang matulungan ang mga benepisyaryo na matugunan ang kanilang agarang pangangailangan habang naghahanap ng mas matatag na pagkakakitaan.
Samantala, 1,912 benepisyaryo ang nakatanggap ng ₱45.49 milyong livelihood assistance sa ilalim ng DILEEP. Kabilang dito ang 1,079 indibidwal at 834 organisadong grupo.
Ayon sa DOLE, magkatuwang na ipinatutupad ang TUPAD at DILEEP upang tugunan ang magkaibang pangangailangan ng mga manggagawa. Nabibigay ang TUPAD ng agarang pagkakakitaan, habang tinutulungan naman ng DILEEP ang mga benepisyaryo na makapagsimula o mapalawak ang kanilang kabuhayan.
Isa sa mga nakonabang sa TUPAD Tuloy-Pasada si JODA Angeles Chairman Augusto Bagtas. Ayopn sa kanya, nakatulong ang programa upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa kabuhayan ng mga tsuper.
Ibinahagi ni Bagtas na mula sa dating ₱700 na naiuuwing kita kada araw ay buymaba ito sa halos ₱300 dahil sa pagtaas ng gastos sa diesel. Mula rin sa dating ₱100 na konsumo sa diesel kada biyahe ay umaabot na ito nayon sa ₱300.
Ayon sa DOLE, ipinapakita ng mga ganitong karanasan ng mga benepisyaryo ang kahalagahan ng mga programang nagbibigay ng agarang suporta sa panahon ng pagliit ng kita. Kasabay nito, binibigyan din sila ng pagkakataong magkaroon ng mas matatag na pinagkukunan ng kabuhayan.
Dagdag ng ahensya, sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng mga nasabing programa, isinusulong nito ang layunin ng pamahalaan na mapalawak ang oportunidad sa trabaho, mapatatag ang kabuhayan ng mga manggagawa, at matiyak na may sapat na proteksyon ang mga pamilyang higit na nangangailangan. (CLJD/MJSC, PIA Region 3-Pampanga)

