LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Gagawing modelo ng mga guro mula sa mga pribadong paaralan sa Papua New Guinea ang paraan ng pagtuturo sa Marcelo H. Del Pilar National High School, na nasa ilalim ng Department of Education (DepEd) Schools Division of Malolos, sa basic education at creatives.
Ayon kay DepEd Malolos Araling Panlipunan and Alternative Learning System Education Program Supervisor Salvador Lozano, pangunahin sa mga inobserbahan ng mga Papua New Guinean academicians ang mga klase, silid-aralan, kagamitan, istilo ng pagtuturo, at ang mga curriculum partikular sa mga strands na Science, Technology, Engineering; at Science, Technology, Engineering and Mathematics education.
Pinangunahan ni Director Wesley Albert, tagapangulo ng lupon sa pribadong edukasyon sa lalawigan ng Highland sa Papua New Guinea, ang delegasyon na nagsabing malaki nag potensiyal ng mga mag-aaral sa nasabing paaralan na maging globally competent dahil sa epektibong istratehiya.

Mahalaga aniya ang ginagawa ng Marcelo H. Del Pilar National High School na sumusunod ang mga pamamaraan sa pagtuturo sa patuloy na pagbabago ng mundo at ng henerasyon.
Binigyang diin naman ni Lozano na ang pagbisitang ito ng international community ay patunay sa resulta ng mga naging pagsisikap upang higit na maitaas ang antas ng edukasyon sa lungsod.
Matatandaan na noong 2011, naitala ang lungsod na may pinakamataas na drop-out rate sa high school. Isa ring malaking hamon noon ang pagkakaroon ng hanggang 98 mga mag-aaral sa kada isang silid-aralan na may isang guro.
Bilang bahagi ng mga reporma ng DepEd Malolos at sa epektibong paggamit ng pamahalaang lungsod sa Special Education Fund, nakapagpatayo ng maraming mga school buildings kaya’t natamo ang ratio na 1:40 o 40 mga mag-aaral sa kada isang silid-aralan.
Pinakamalaking resulta nito ang paggagawad ng DepEd sa lungsod ng Malolos bilang Top 5 Most Literate City noong 2023.
Samantala, ang aktibong people-to-people exchanges kagaya nito, ay indikasyon na natutupad ang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong 2024 na lalo pang aangat ang ugnayan ng Pilipinas at Papua New Guinea na nasa 50 taon na.
Taong 1975 nang pormal na maitatag ang diplomatikong relasyon ng dalawang bansa. Ito’y nang kilalanin ng administrasyon ng noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang soberenya ng Papua New Guinea mula sa pagkakapailalim sa Australia. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



