SAMAL, Bataan: Namahagi ng grocery packs ang mga estudyanteng kabilang sa Iskolar ng Bataan sa mga driver ng mga jeepney na namamasada sa linya ng Orani – Samal sa bahagi ng MacArthur Highway sa Bataan nitong Biyernes.

Pinapara ng grupo na mga benepisyaryo ng college scholarship mula sa provincial government ang bawat jeepney na dumaraan at inaabutan ang driver ng grocery packs na may lamang tinapay, bigas, canned goods, kape, noodles at iba pa.
Sinabi ni James Anthony Cuya, pangulo ng Iskolar ng Bataan, Samal municipal chapter, na ang ipinamamahagi nila ay kaunting tulong bilang pasasalamat sa mga driver sa kanilang patuloy na serbisyo.

“Munting pasasalamat sa kanilang sakripisyo sa kanilang patuloy na serbisyo. Sila ang tumayong ama namin sa kalsada. Sila naghatid sa amin sa unang araw namin sa klase at ngayong patapos na klase, nariyan pa rin sila,” sabi ni Cuya.
Matapos, aniya, ang kanilang pamimigay sa mga jeepney driver ay isusunod nila ang mga tricycle driver at iba pang mga driver na nagsisikap para sa kanilang pamilya.

May dala rin silang streamer na nagsasaad ng – “Tay, Kasama kami sa laban niyo!”
Ang Iskolar ng Bataan ay isang programa ng provincial government na libo-libong estudyante na ang napagtapos sa kolehiyo. (30)



