Home Headlines Ilang magsasaka, dismayado sa SONA ni PBBM

Ilang magsasaka, dismayado sa SONA ni PBBM

150
0
SHARE
Ang magsasakang si Melencio Domingo habang nanonood ng SONA. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS – Dismayado ang ilang magsasaka sa lungsod na ito sa inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. pagdating sa usapin ng agrikultura para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) nito kanina.

Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, walang kasaysay-saysay ang mga inihayag ni Marcos Jr. pagdating sa problema nilang mga magsasaka.

Aniya, sa ibinida ng pangulo na ayuda para sa mga magsasaka ay wala naman daw silang natatanggap partikular nang tumaas ang presyo ng diesel dahil sa gulo sa Middle East.

Huli aniya silang nakatanggap ng ayuda ay noon pang Pebrero at ito ay halagang mahigit dalawang libong piso lamang.

Sa pagmamalaki naman ni Marcos Jr. na tumaas ang ani ng mga magsasaka ay kabaligtaran aniya ito dahil sa Bulacan ay lugi ang mga magsasaka dahil sa taas ng krudo.

Pagdating sa irigasyon ay problema din ito ngayon ng mga magsasaka dahil sa tuyo ang patubig dahil sa mababang lebel ng tubig sa Angat Dam kaya’t aasa na naman sila sa paggamit ng krudo para makasipsip ng tubig para sa palayan.

Wala din aniya na rice processing facility na itinayo si Marcos Jr. sa Bulacan kaya’t nagtataka siya kung saan kumuha ng datos ang pangulo para iulat sa bayan.

Sa tingin ni Domingo ay napabayaan na ng pangulo ang usapin ng food security taliwas sa ipinangako nito noong halalan.

Sana aniya ay bigyan din sila ng ayuda sa krudo gaya ng nasa transport sectors dahil ang mataas na halaga nito ang siyang iniinda nila na nagreresulta sa pagkalugi bukod pa sa dumobleng presyo ng fertilizer.

Kung gagraduhan daw niya ang SONA ni Marcos Jr. kanina na kung ang pinakamatas na puntos ay sampu ay dos lang aniya ang ibibigay niya dito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here