Home Opinion Huwag padarang sa tukso, iboto ang sinong gusto

Huwag padarang sa tukso, iboto ang sinong gusto

567
0
SHARE

Sa paglabas nitong ating ‘print edition’
na may kaugnayan sa‘May 9 election,
malamang ay tatlo o apat na araw
mababasa n’yo na ang ‘views & opinion’
ng inyong ‘yours truly’ pati na rin itong
mga paalala sa pagboto  ngayon.

Gumawa tayo ng sariling kodigo
ng kung sinong ating mga iboboto
bago magtungo sa kung saan presinto
nakalistang ating pangalan, nomiro
pagkakilanlan at ngayon lang boboto
para mabilis ang gagawing pagboto.

Huwag makinig sa dikta riyan ng iba
na ang ipaboto ay ‘yong manok nila
kapalit ng isang may litrato nina
Ninoy at Cory o A.S, Lim, Escoda;
Kasi kung isingil yan ng ‘anamputsa’
ibayo kundi man milyones kumbaga.

At lalong huwag na nating tangkilikin
itong inuban na sa gobyerno natin,
na tuwing halalan, sila-sila pa rin
ang kumbaga’y laman ng ating paningin;
partikular d’yan sa Senate at ganun din
diyan sa Kamara, kung ating tawagin.

Kung pagbabago ang ating inaasam
na maipairal sa ‘ting Inangbayan,
bakit nanaisin pa nating ihalal
itong inamag na sa panunungkulan;
na wala rin namang sa ating pananaw
nagawa – kundi ang magpayaman lamang.

Baguhin na natin ang lumang sistema
ng kalakaran sa ating pulitika,
na kaya mayaman  itong sa tuwina
ay namamayani at bumabanera,
ang tinitingnan ng marami ay pera
at di pagkatao ng kahit sino pa.

Kung kaya nga’t pati di dapat tumakbo
para maging ‘head of state’ naki-uso?
Kasi lutang man ang kagaya ni ‘Doro,’
pasok sa batas d’yan ng eleksyon dito;
At di sa kung ano ang tinapos nito,
kaya nahahalal pati mga bobo?

Kaya nga’t susugan na po natin dapat
itong kalakaran at saligang batas
ng ating eleksyon d’yan sa Pilipinas;
itong ‘provided one can read and write
can seek election’ ay hindi nararapat,
pagkat kapintasan yan sa ating lahat.

Sa ‘barangay level’ puede ang tapos lang
ng ‘grade six, high school – pasado na bilang
sa magiging puesto na panghahawakan;
Ipawalang bisa ang kasalukuyan,
na mahusay lang sa ‘karate’ puede nang
humabol sa pagka-pangulo – mali yan!

Panahon para ang lahat ng dapat
baguhin sa ating panuntunang batas,
nang sa gayon ay di komo tayo’s sikat
umarte, mauntok, pati matataas
na katungkulan ay ating sinisipat
maupuan kahit di karapat-dapat!      

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here