Home Opinion Hanggang kailan?

Hanggang kailan?

1166
0
SHARE

KUNG ganyang patuloy na nadaragdagan
ang bilang ng mga nahawaan na riyan
nitong COVID – 19, imbes mabawasan
sa loob ng ‘total lockdown’ na isang buwan,

Na ipinag-utos ng ating Pangulo
upang maiwasan ang pagkalat nito
sa pamamaraang i-quarantine tayo,
pero dinedma lang d’yan ng ibang tao.

At ang resulta n’yan kundi man dumobli
ang nahawaan ng virus na nasabi,
itong mga walang makain dumami
dahil pinagbawal ang paglabas pati;

Nitong halos lahat, bunsod na rin nitong
ipinatupad nga ni Pangulong Digong,
na ‘lockdown’ dito sa buong Sentral Luzon;
kung saan di kaunting tao ang nagutom.

Una na riyan itong ang hanapbuhay n’yan
ay empleyadong sahod nila ay arawan,
na ‘no work, no pay’ay anong maasahan
kung sarado itong pinaglilingkuran?

Kabilang na rito ang maraming Tsuper
ng dyip, saka ng bus at nagtra-tricycle,
yan kung di lumabas sanhi nga ng ‘Order’
ni Digong, anong maybigay kay Kumander?

Tama’t inatasan ng ating Pangulo
itong iba’t-ibang sangay ng gobyerno,
na bigyan ng tulong itong apektado
ng ‘total lockdown’ ay namudmod na ito?

Ang iba r’yang lokal na pampamahalaan, nakapamigay na ng limang kilo riyan
ng bigas, sardinas, noodles, na pang-ulam, pero kakasya ba yan sa tatlong araw?

At di na nasundan, gaya ng pahayag
nitong kahit papano nga’y nakatanggap,
nguni’t saan pa nga yan maghahagilap
ng kasunod makaraang ang magdamag?

Sabi’y may ‘nilaan ang ating gobyerno
na tulong pinansyal sa lahat umano
ng naapektuhang kawawang empleyado,
nang mula lima at hanggang walong libo.

At mapa’ pribado’t tanggapang pambayan,
Bibigyan, bagama’t walang katiyakan,
kung kailan at sino itong  mamimigay
iyan sa ngayon ang ating hinihintay.

Sana, kung talagang ito’y ninanasa
ng pamahalaang tayo ay bigyan nga
nitong ‘almost 3 weeks’ nang binabalita,
gawin na’t wala ng maraming  salita.

Upang maibsan na ang matinding gutom
ng nakararaming kahit man lang tutong
walang maisubo sa buong maghapon,
bago makaisip, mangholdap, magnakaw!

At mapatay kaysa makita ang anak
na di mapigil ang daing nito’t iyak,
mula pa kahapon – sa dahilang hungkag
ang sikmura n’yan sa loob ng magdamag?!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here