HAGONOY, Bulacan – Kung ang Camp Crame ay may magarbong White House kabaligtaran naman nito ang kalagayan ng kapulisan sa bayang ito.
Sira at nakabagak na ang kanilang mga patrol car. Ang Toyota Innova patrol car 346 ng kapulisan ay isang taon na daw na nasa talyer at ang Lancer patrol car 347 naman ay apat na buwan na ring nasa talyer.
Maging ang motorcycle patrol nila nakagabak naman mismong sa harapan ng kanilang himpilan. Alinman sa mga sasakyang ito, hindi na papakinabangan pa ng PNP dahil sa matitinding mga sira. Bago pa man mabagak sa talyer ang mga ito, madalas na daw silang itirik ng kanilang mga sasakyan.
Mas madalas na daw ito sa talyer kesa sa panahong pinakikinabangan sa kalsada. May mga pagkakataon pang nahuhuli sila sa pagresponde dahil lamang sa kawalan ng matinong sasakyan.
Ayon sa Hagonoy PNP, wala silang magamit na patrol car kung kayat umaarkila na lamang sila ng kanilang mga gagamiting sasakyan kapag may responde. Kapag magpapatrulya, gamit naman daw nila ang kani-kanilang mga sariling sasakyan.
gunit kadalasan ay wala pa rin silang magamit kapag may personal na lakad ang isang pulis na may-ari ng sasakyan ay hindi nila mapwersa na magamit ang sasakyan nito sa pagpapatrulya. Hirap daw sila sa pagpapatupad ng peace and order sa kanilang bayan dahil sa pilay ang kanilang mobilization.
Matagal na daw na ganito ang kanilang kalagayan at wala namang silang pamalit. May epekto din daw sa pagtaas ng kriminalidad sa kanilang bayan ang kawalan ng PNP patrol car dahil sa kawalan ng police visibility. Humihiling daw sila ng tulong sa lokal na pamahalaan at umaasahang mabibigyan sila ng bagong sasakyan sa susunod na taon.