Home Opinion Ganap na ba ang kalayaan, sa ating bansang sinilangan?  

Ganap na ba ang kalayaan, sa ating bansang sinilangan?  

150
0
SHARE

1.

Paggunita noon sa araw ng laya

kung ipagdiwang sa ating inang bansa

ang layunin nito at tunay na diwa

sa puso ng pinoy maalab pang lubha

2.

Naglalagablab at umaalipato

kahalintulad ng apoy sa impiyerno

di nililimot ng mga Pilipino

ang kahalagahan ng araw na ito

3.

Dahil sa natamo nating kasarinlan

sa kamay ng mga sakim na dayuhan

na umalipin at naging tampalasan

sa ating bayan at mga mamamayan

4.

higit tatlong daang taong pagdurusa

sinapit natin sa kastilang kolonya 

nang ang kalayaan ay maideklara

mga mamamayan labis ang ligaya

5.

kaya mula noong lumaya na tayo

ay taunan na kung ipagdiwang ito

tuwing ikalabindalawa ng Hunyo

paggunita natin sa layang natamo

6.

Subalit sa ngayon itong pagdiriwang

sa araw ng laya’y tila palabas lang

upang ipabatid sa ‘sandaigdigan

na malaya na ang ating inang-bayan

7.

Ngunit ang totoo ay hindi pa lubos

layang sa atin ay pinagkaloob

sayang ang hangarin na napakarubdob

ng mga bayaning sa parang nalugmok

8.

dahil ang kadena na itinirintas

ng mga dayuhan noong nakalipas

magpahanggang ngayon di pa nakakalas

sa pagkabalunbon di pa rin lumuwag

9.

Nakakawing pa rin sa’ting mga paa

at sa leeg nitong maralitang masa

imbes na lumuwag ay hinigpitan pa

ng nasa gobyernong mapagsamantala

10.

Tayo nga kaya ay malaya ng tunay? 

kung wala ng piring itong katarungan

kung mayrong alipin pa ng kahirapan

at ang demokrasya’y hindi maramdaman

11.

Habang sa gobyerno ay may namumugad

na mga taksil at mga mandurugas

ang kalayaan na ating hinahangad

ay sa panaginip na lang matutupad

12 

Iwawagayway ang watawat ng husto

ngayong ikalabindalawa ng Hunyo

may makikita kang dito sasaludo

na mga buwayang nagkatawang-tao

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here