Ex-OFW patay sa sunog, P100K na ari-arian natupok

    227
    0
    SHARE

    MARIVELES, Bataan- Isang dating overseas Filipino worker ang natagpuang patay matapos diumanong magkulong sa nasusunog nilang bahay sa Sitio Pag-asa, Barangay Camaya, dito Sabado ng hapon.

    Ayon kay Senior Fire Officer 1 Romeo Abergas, Bureau of Fire chief ng Mariveles, inabutan nilang patay na si Bryan Llyod Taroma, 29, sa loob ng bahay nito.

    Naghihintay pa umano sila ng autopsy report upang matukoy kung ano talaga ang ikinamatay ng biktima na dating OFW.

    Bukod sa bahay ng biktima, sunog na sunog din ang motorsiklo nito at nadamay ang isang katabing bahay.

    Tinaya ni Abergas na aabot ng isang daang libong piso ang halagang tinupok ng apoy.

    Tinanggap umano nila ang report sa sunog ala-1:10 ng hapon at sa loob ng sampung minuto ay naapula nila ang apoy kaya hindi na ito kumalat sa maraming kabahayan.

    Sinabi ni Leonardo Morris, barangay kagawad ng Camaya, na dumating sila na kasalukuyang nagliliyab ang bahay kaya tinadyakan ng kasama niya ang saradong pintuan.

    “Sumigaw ang nasa loob ng ‘huwag kayong makialam’ sabay paputok ng baril kaya tumakbo kami at naghintay na lamang sa pagdating ng mga bumbero,” sabi ng kagawad.

    Nilagyan pa diumano ng biktima ng kandado ang loob ng pintuan at hindi na ito umalis ng bahay hanggang sa matagpuang patay. Nag-iisa lamang umano ang biktima dahil pumapasok sa isang pabrika ang asawa nito.

    Ayon naman kay Lolita Parala, may-ari ng katabing bahay na nadamay sa sunog, nakita niyang palakad-lakad si Taroma ng nakayapak na parang may hinahanap.

    Maayos naman, aniyang, sumagot itong “wala” nang tanungin niya kung ano ang hinahanap.

    Pagbalik, aniya, nito pabulong-bulong na at pagkatapos ay biglang sumigaw ng mura at pumasok sa loob ng bahay nito.

    Maliit pa lamang diumano ang apoy mula sa motorsiklo ng biktima ngunit lumaki ang sunog matapos hindi mabuksan ng mga tao ang saradong pintuan.

    Ayon sa isang punerarya, dinala ng asawa ang bangkay sa isang lugar sa Subic, Zambales. Walang mahagilap na kamag-anak ang mag-asawa sa Camaya.

    Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire at pulisya sa pangyayari.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here