HAGONOY, Bulacan (PIA) — Tatlong linggo nang hindi pa bumababa ang baha sa mga bayan ng Hagonoy at Calumpit sa Bulacan, pero lalong bumubuhos ang tulong na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pinaka naapektuhan.
Patunay dito ang pagbaba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Hagonoy sa kabila ng bahang hanggang baywang ng tao ang lalim sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kinamusta niya ang nasa 61 pamilya na inilikas sa Barangay San Isidro na kabilang sa
62,000 pamilya na labis na naapektuhan ng matagal na pagbabaha sa naturang bayan na saluhan ng mga back-flooding o tubig na bumabagsak mula sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija.
Sinasabayan pa ito ng matataas na high tide kaya’t nananatiling malalim ang baha kahit sumisikat na ang araw.
Bukod sa pagkakaloob ng mga family food packs, kagamitang pantulog, disenteng tulugan at maiinit na pagkain, tiniyak ng kalihim na makakatanggap ng tig-P10,000 na tulong pinansiyal ang naturang 61 pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa isang paaralan.

Sa pasimula pa lamang ng pagtama ng bagyong ‘Maymay’ na sinasabayan ng Habagat, nauna nang nakapagpadala ng 15,000 family food packs ang DSWD para sa mga binahang taga-Hagonoy at may sumunod pang siyam na libo nito.
Iba pa riyan ang may 13,000 relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Inilahad ni Mayor Ma. Rosario Sy-Alvarado Mendoza na para mapunan ang kinakailangang mapagkalooban pa ng tulong, nagdeklara ng State of Calamity ang pamahalaang bayan.
Ito’y upang magamit ang natitira pang P5 milyon na Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) noong 2025 habang naka standby ang paggugol sa P8.9 milyon na 2026 LDRRM fund kung kakailanganin pa.
Nanawagan naman ang punong bayan kay Pangulong Marcos na bisitahin ang Hagonoy upang tunay na malaman ang aktuwal na sitwasyon lalo na tuwing may malaking pagbaha at mataas ang high tide.
Dalawa lang aniya ang ‘panahon’ sa dito na isang baha at bahang-baha.
Kaya naman para kay Mayor Mendoza, magbubunsod ang pagkakaroon ng pagbisita ng pangulo upang matuloy at mapabilis ang mga kinakailangan at tunay na flood control para sa bayan.
Matapos ang Hagonoy, nagtungo si Secretary Gatchalian sa Calumpit partikular sa mga evacuation centers sa Lexber Warehouse at Calumpit National High School.
Sa puntong ito, inaprubahan ng kalihim ang kahilingan ng Mayor Glorime Faustino para sa karagdagang 20,000 pang mga food packs.
Maaga ring ipinailalim ang Calumpit sa State of Calamity ang bayan dahil sa inaaasahang mas tatagal pa ang ngayo’y tatlong linggong pagbabaha dahil sa back-flooding.
Samantala, aabot na sa 269, 412 na mga family food packs ang naipadala na ng DSWD sa iba’t ibang panig ng Bulacan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



