Dalagitang umiwas sa pangaral ng lola natagpuang patay sa tabi ng dagat

    59
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan — Isang dalagita ang diumano’y umiwas sa pangaral ng lola at umalis ng bahay Huwebes ng gabi ngunit kamatayan naman ang inabot matapos matagpuan ang kanyang bangkay sa tabi ng dagat dito Biyernes ng umaga.

    Ayon kay Ginalyn Muceros, 35, single mother at isang factory worker, patay na nang makita ang kanyang anak na si Mariane Joy Muceros, 13, Grade 7. Ang biktima ay panganay sa tatlong magkakapatid.

    Naniniwala umano ang ina na nalunod ang anak at walang sumalbahe o gumawa ng masama kaya hindi na siya pumayag na ipa-autopsy ito.

    Kinumpirma ni PO3 Charlston Valenzuela, Mariveles police investigator, na ayaw nang ipa-autopsy pa ng ina ang anak.

    Sinabi ni Ginalyn na wala siya sa bahay dahil pumasok siya bilang factory worker sa isang pabrika sa Mariveles at naiwan ang anak kasama ang lola at mga kapatid sa kanilang tirahan sa Sitio PEX, Barangay Lamao, Limay.

    “Alas-6 ng gabi dumating sa bahay ang anak ko at napangaralan daw ng lola at biglang umalis at hindi na umuwi,” sabi ni Ginalyn.

    Pagdating niya ay hinanap nila ang dalagita ng gabing iyon ngunit hindi natagpuan.

    Kinabukasan, aniya, ay may nag-message na lang sa kanya na may nakitang bangkay sa Sitio Riverside sa Lamao matapos niyang i-post sa social media na nawawala ang kanyang anak.

    Natagpuan ang bangkay sa pampang sa tabi ng dagat.

    Hinihinalang itinulak ang katawan ng alon sa tabi habang high tide at naiwan sa putikan matapos abutin ng kati ng tubig.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here