Home Headlines DAGDAG TIMBANG8 kalabaw nilunod sa tubig

DAGDAG TIMBANG
8 kalabaw nilunod sa tubig

558
0
SHARE
LUNGSOD NG MALOLOS — Patay ang walong kalabaw makaraang pwersahang painumin ng maraming tubig gamit ang hose sa isang slaughterhouse sa Bulacan.

Ito ay para daw dagdagan ang timbang ng mga ito. Nadiskubre ng National Meat Inspection Service ang naturang gawain na kung tawagin ay “flooding” matapos maaktuhan ang ilang kalabaw na nanghihina at lumalabas ang tubig sa bibig at ilong nang magsagawa sila ng inspection sa slaughterhouse.

Ang mga kalabaw ay kinakitaan ng senyales ng pagkalunod dahil sa sobrang daming tubig na pinainom kayat kusang lumalabas sa lahat ng opening ng hayop gaya ng bibig at ilong.

Ayon kay Dr. Rolando Marquez ng NMIS Manila, namatay ang mga naturang kalabaw dahil sa sobra-sobrang tubig na pinainom upang bumigat ang timbang.

Aniya, kapag ang karne ng kalabaw na galing sa “flooding” ay nakain ng tao ay nakakapagdulot ito ng pagtatae sapagkat malilipat ang mikrobyo mula sa maruming tubig na ipinainom sa hayop.

Paalala niya sa publiko na suriin ang mga karne na bibilin sa palengke kung tumutulo ang tubig o kumakatas mula sa mga karne.

Kung makakakita ang mga consumer ng ganoong insidente sa karne ay maaring lumapit sa lokal na pamahalaan at sa NMIS upang ireklamo.

Kwento naman ni Dr Eduardo Reyes Oblena, acting director II ng NMIS, pagdating nila sa slaughterhouse ay nakitaan agad nila ng mga senyales ng flooding ang walong mga kalabaw na naroon.

Ang mga kalabaw ang nanggaling pa sa malalayong lugar sa Visayas at Mindanao.

Tatlong araw na ibinyahe ang mga kalabaw at hindi kumain kung kaya’t binobomba ito ng tubig upang mabawi ang timbang na Nawala.

Aniya sa sobrang lunod sa tubig ay mapupunta sa baga at lalabnaw ang dugo.

Sabi pa niya hindi ligtas kainin ang mga kalabaw at hindi na dapat pang ibenta.

Sa tingin niya ay practice na ito sa nasabing katayan at ginagawa ito habang wala pang kinatawan ang meat inspection unit.

Ang mga kalabaw na namatay ay dinala sa Pampanga at duon ay agarang ililibing upang hindi na maibenta sa mga pamilihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here