Ang biktima ay nakilalang si Analisa Silverio, 12, ng Barangay Parulan at kakatapos pa lamang ng Grade 6.
Bago namatay ay kinakitaan umano ang bata ng mga sintomas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at pagsusuka. Tatlong beses umano itong naturukan ng Dengvaxia. Namatay si Silverio nitong Biyernes bandang alas-9 ng umaga sa isang pagamutan.
Ayon kay Clarita Aguilar, tiyahin ng bat, ika-10 ng Pebrero nang nagsimulang magkasakit ang kanyang pamangkin na nakaramdam ng panghihina at pagsakit ng katawan kung kaya’t isinugod nila ito sa ospital at ang naging findings ng duktor ay mayroon itong congenital heart disease.
Sinabi nila na naturukan ang bata ng Dengvaxia ngunit ayaw itong ikonekta ng mga duktor sa pagkakasakit nito.
Mula noon ay pabalik-balik na sa ibat-ibang ospital si Silverio at iginiit niya na nakumpleto ng bata ang bakunang Dengvaxia.
Ayon pa sa tiyahin ng bata katulad ang sintomas nito sa mga nauna nang bata na namatay na nabakunahan ng Dengvaxia gaya ng pagsakit ng ulo, pagsusuka at paglabas ng mga mapupulang parang pantal sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Sa ngayon ay hindi pa nila makausap ang ina ng bata dahil hindi nila ito makontak sa bansang Saudi Arabia at ang cellphone nito ay hawak ng amo.
Makakausap lamang daw nila ang ina ng bata kung ito ang tatawag sa kanila.
Sabi pa ni Aguilar na nakahanda silang magsampa ng kaso sa mga nasa likod ng proyektong bakuna at panagutan ang nangyari sa kanyang pamangkin.
Dumating naman ang PAO sa pangunguna ni Atty. Persida Acosta at VACC sa punerarya kung saan naroon ang bata at nagsagawa ng autopsy ang PAO forensic team sa pangunguna ni Dr. Erwin Erfe, upang suriin ang sanhi ng ikinamatay ng bata.
Ayon kay Erfe sa isinagawang autopsy sa bangkay ng bata ay ito na ang ika-55 bata na namatay na nakumpleto ang Dengvaxia vaccines.
Aniya sa resulta ng kanilang autopsy ay nakita nilang namamaga ang utak ng bata at ang iba pang internal organs.
Sinabi din niya na magkakatulad ng sinapit ng lahat ng batang nauna ng namatay na naturukan ng naturang bakuna.
Sinabi biya na ang naging sanhi ng kamatayan ng bata ay ang pagdudugo ng buong utak at sobrang pamamaga.
Baligtad din daw ang spleen ng bata na dapat na ang mga internal organ na nasa kaliwa ay napunta sa kanan at ito ay bihirang kondisyon.
Wala namang silang nakitang problema sa puso ng bata at stable naman daw ito.
Hinala nila na ang mga sintomas na naramdaman ng bata bago namatay ay sintomas na sahi ng pagdurugo at pamamaga ng utak nito.
Malaki umano ang paghihirap ni Analisa dahil sa pamamaga at pagdurugo ng utak.
Nakita din nila ito sa mga bitkima na kanilang mga nasuri.
Paulit-ulit aniya ang mga senyales ng pamamaga at pagdurugo ng blood vessel at ng utak.
Ayon sa PAO, aalayan nila ang pamilya kung nais ng nito na magsampa ng kaso laban sa mga taong nasa likod ng proyekto ng DOH na Dengvaxia vaccination.
Sa kasalukuyan ay iniimbestigahan na ng PAO at VACC ang pagkamatay ng bata para sa mga posibleng legal na hakbang sa mga susunod na araw.