LUNGSOD NG TARLAC (PIA) — Inihahanda ng Department of Agriculture (DA) ang sektor ng agrikultura sa Tarlac sa posibleng epekto ng El Niño.
Ito ay sa pamamagitan ng pagtitiyak na sapat ang reserbang suplay ng bigas, pagpapalakas ng kakayahan ng National Food Authority (NFA) na bumili ng palay, at dagdag na suporta sa mga magsasaka.
Bilang bahagi nito, pinangunahan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang inspeksyon sa mga pasilidad ng NFA sa lalawigan.
Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng pagpuno sa mga pasilidad ng sapat na bigas at palay upang magkaroon ng reserbang suplay sakaling bumaba ang produksyon dahil sa El Niño.
“Definitely kailangan nating punuin ito ng bigas at ng palay para in case na bumaba ang produksyon natin dahil sa El Niño, marami tayong buffer stock,” aniya.
Kabilang sa mga binisita ng kalihim ang SL Agritech warehouse sa Barangay Masalasa sa bayan ng Victoria na ginagamit ng NFA bilang karagdagang pasilidad sa pag-iimbak ng palay.
Ang naturang 1,782-metro kuwadrado na bodega ay isa sa 65 bodega ng NFA sa buong bansa at may kapasidad na nasa 100,000 sako.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, magsisimula ang ahensiya sa pagbili ng palay para sa naturang bodega sa unang araw ng Oktubre 2026.

Maliban sa pagbili ng palay, kabilang sa iba pang hakbang ng DA upang maibsan ang epekto ng El Niño ang pagbibigay ng karagdagang pataba at tulong sa mga magsasakang gumagamit ng makinarya, mas malawak na saklaw ng crop insurance, at pagsusulong ng mga alternatibong pananim.
Para sa mga mangingisda, isusulong ang paggamit ng mga solar aerator upang makatulong na maiwasan ang pagkamatay ng mga isda.
Inilahad ni Laurel na plano rin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglaan ng P10 bilyon para sa Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk at pondo para sa mga solar pump at solar irrigation.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gobernador Christian Yap na mahalaga ang koordinasyon ng pambansa at lokal na pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga magsasaka, lalo na sa paghahanda sa epekto ng El Niño.
“Mahalaga po ang ganitong pagbisita upang mas maunawaan natin ang mga hamon at pangangailangan ng ating mga rice farmers, mula sa produksyon, pagbili ng palay, hanggang sa pag-iimbak at pamamahala ng suplay ng bigas,” aniya.
Kabilang naman sa mga hakbang ng lokal na pamahalaan ang pagbuo ng task force, pagkakaroon ng natural water impounding bilang karagdagang mapagkukunan ng tubig para sa mga sakahan, at paghahatid ng tulong sa mga magsasaka.
Samantala, nagpapatuloy ang konstruksyon ng makabagong pasilidad ng NFA sa Barangay Aguso sa lungsod ng Tarlac na magkakaroon ng 120-metrikong toneladang mechanical dryer kada batch at rice mill na may kapasidad na 10 tonelada kada oras upang higit na mapalakas ang pag-iimbak at pagproseso ng palay sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng pagpapalakas ng reserbang suplay, pagbili ng palay at suporta sa produksyon, layunin ng mga hakbang na mapanatili ang sapat na suplay ng bigas at matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang epekto ng El Niño. (CLJD/AJRR, PIA Region 3-Tarlac)



