LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tiniyak ng Social Security System (SSS) na hindi mapupunta sa wala ang mga benepisyo na inihuhulog ng nasa 474 na mga manggagawa sa mga lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte.
Ito’y matapos magsagawa ng Run Against Contributions Evaders (RACE) ang SSS, o biglaang pagbisita sa 15 employer sa nasabing mga lungsod na hindi nakakapaghulog o kulang ang naihuhuog na kontribusyon para sa kani-kanilang manggagawa.
Sa lungsod ng Malolos, sinabi ni SSS Malolos Branch HeadFrancisco Lescano na target masingil sa siyam na mga delinquent employers ang nasa P3.1 milyon na hindi naihuhulog na mga kontribusyon kung saan nakasalalay ang benepisyo ng 176 na mga manggagawa.
Ayon kay SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada, nasa P2.9 milyon naman ang sisingilin ng ahensya sa anim na mga delinquent employers kung saan nagtatrabaho ang naa 298 na mga manggagawa.
Binigyang diin niya na pangunahing layunin ng RACE na agapayan ang mga naturang employers na makabayad sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDE MRP).
Ito ay sa bisa ng Circular 2022-021 at 2022-021B na ipinalabas ng SSS upang mapaigting ang paniningil sa mga delinquent employers, kung saan hindi na pababayaran ang mga interes at penalties kung hindi nakabayad sa pagitan ng Marso 2020 hanggang Pebrero 2022.
Sa mga panahong iyan nagsimulang tumama ang pandemya ng COVID-19 at patuloy na naglabasan ang iba’t ibang variants nito.
Para naman sa mga hindi nakakapaghulog ng kontribusyon bago at makalipas ang nasabing petsa, sisingilin ng anim na porsyentong interes ang mga delinquent employers.
Hindi na tinakdaan ng SSS ng palugit o hangganan kung kailan dapat makapag-file sa CPCoDE MRP.
Ang binibigyang diin na lamang ngayon ay kailangang mai-file ang pagbabayad ng mga delinquent employers na gamit ang CPCoDe MRP upang makatamo ng kondonasyon.
Kung hindi idinaan sa ganitong paraan ang pagbabayad, pababayaran din pati ang penalties at interes bukod sa halaga ng kontribusyon.
Bagama’t walang palugit sa pagpa-file sa CPCoDE MRP, may takdang mga panahon naman ang pagbabayad depende sa halaga ng babayaran.
Maaaring bayaran nang buo ng employer ang halaga ng delinquencies sa loob ng 15 araw, mula nang matanggap ang liham na naglalaman ng pag-apruba ng SSS sa aplikasyon upang makatamo ng CPCoDE MRP.
Kung magiging hulugan ang paghuhulog, maaring bayaran sa loob ng 12 buwan ang delinquencies na aabot hanggang P100 libo habang ang halagang P100 libo hanggang P500 libo sa loob ng 18 buwan; 24 buwan sa halagang P500 libo hanggang P2 milyon; 30 buwan sa may halagang P2 milyon hanggang P5 milyon; 36 buwan sa mga hanggang P10 milyon at 42 buwan sa mga nasa P20 milyon.
Kapag mahigit pa sa P20 milyon at pataas ang halaga na dapat bayaran ng employer, bibigyan ng 48 na buwan upang ito’y mabayaran.
Samantala, ibinalita naman ni Lescano na nasingil na ng SSS ang may P6.4 milyon na dating hindi naihuhulog na kontribusyon ng mga delinquent employers na nakarehistro sa SSS Malolos.
Sa loob ng nasabing halaga, P4.5 milyon ang nakolekta mula sa resulta ng ginawang RACE noong Abril 2022.
May P1.9 milyon pang nasingil nang magsagawa ng isa pang RACE noong Setyembre 2022. (CLJD/SFV-PIA 3)