Batas sa eleksyon, dapat nang baguhin

    740
    0
    SHARE
    Kung ganyang di pa man ay nagkagasta na
    ng di lamang libo kundi ‘in millions’ na,
    itong lubhang atat makapangampanya
    nang wala sa takdang panahon talaga

    Partikular na ang mga pang-nasyunal
    na posisyon itong ninanais nilang
    masungkit, kung kaya lahat ng paraan
    ay ginagawa niyan para manalo lang.

    At dahil na rin sa ganitong estilo
    ay higit ang tsansa’t posibleng panalo
    ng mga may pera at kilalang tao;
    (O angkan lalo ng mga pulitiko).

    Gaya halimbawa riyan ni Mar Roxas,
    na ‘sing-tanda na halos ng Filipinas
    ang pangalang taglay – (palibhasa’y anak
    ni Gerry at Apo yan ni Manuel Roxas).

    Kumpara kay Binay higit na malaki
    ang kanyang tsansa sa pagka-presidente;
    Huwag lang sa anino ni PNoy tumabi,
    tiyak ang panalo ni Mr. Palengke.

    Kasi dala na rin ng ‘Tuwid na Daan’
    na kanilang sa’tin pinangalandakang
    tatahakin laban sa katiwalian,
    baluktot din naman ang kinauwian;

    At ang umiral ay dati ring tugtugin
    na masahol pa sa marapat baguhin,
    Kaya’t anhin man nating paka-isipin
    ya’y wala rin namang buting mararating.

    Lalo’t tulad nitong kung alin ang labag
    sa Saligang Batas nitong Filipinas,
    Partikular na riyan sa’ting tinatawag
    na Omnibus Election Code na marapat

    Sundin ng lahat na ay bale wala lang
    at patuloy din namang nilalabag yan,
    Ay ano pa nga bang ating maasahan
    kundi ng korapsyon at grabeng nakawan?

    Gaya nitong di pa man nga ‘campaign period’
    ay napalaki na riyan ang nagastos,
    Yan sa ganang akin may peligrong dulot
    sa kabang-bayan at kay Juan dela Cruz.

    Pagkat saan nila posibleng mabawi
    ang ‘millions of pesos’ na pananalapi
    na isinugal sa paghabol sakali,
    sila ang posibleng sa laban magwagi?

    Tulad halimbawa ng nagastos nila
    bago pa sumapit ang pangangampanya,
    Kung saan sa posters lang at karatula
    at iba pang ‘election paraphernalia’;

    At kung saan kahit walang nakasulat
    ni anuman liban sa pagpapahayag,
    Ng mga pagbati riyan ng ‘Merry Christmas’
    at Manigong Bagong Taon sa’ting lahat;

    Pero ang tunay na mensahe talaga
    ng ganitong klaseng pakulo kumbaga,
    Ay mapagtatantong pamumulitika
    at hindi marubdob na pagpapahalaga.

    Gaya nitong iba’t-ibang ‘infomercial’
    na araw-araw ay mapapanood diyan
    sa TV, at sa Radyo napapakinggan;
    at nalalathala rin sa pahayagan.

    Yan ay hindi pa ba napakaliwanag
    na pangangampanya nating matatawag?
    Kaso, tama’t tayo’y may Saligang Batas
    ay ‘lawmakers’ itong kusang lumalabag!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here