SA DAMI ng sukat ipanukalang bill
Nitong mga Solons nating magagaling,
Minsan, kung alin ang marapat unahin,
Ang di mabigyan ng kaukulang pansin.
Isa na r’yan ang “Security of Tenure”
Para sa manggagawa o ‘labor sector,’
Kung saan malinaw na kinitil nitong
‘Contractual basis’ na umiiral ngayon
Ang kasiguruhan ng pamamasukan
Ng nakararaming manggagawa tunay
Sa kamay ng mga mapagsamantalang
Employer ang ‘security of tenure’ nyan
At kung saan pati benepisyong dapat
Tanggapin, kasabay na nawala’t sukat
Sa panig ng ‘labor,’ sa klase ng batas
Na ipinasa ng ilang mambabatas
Na masyadong naging makiling sa panig
Ng kapitalista sa puntong nabanggit,
Kaya’t sila ang dapat sisihin kung bakit
Lubhang nalamangan itong maliliit
Sa pangyayaring yan at sa pagkawala
Ng seguridad ng mga manggagawa
Laban sa employer na dinadakila
Nitong ilang Solons na siyang umakda
Sa ganitong di patas na kalakaran,
Na ipinatutupad sa kasalukuyan
Sa pagitan nitong labor at capital
Na maituturing na di makatwiran.
Pagkat ano pa mang oras ay maaring
Tanggalin yan basta ng employer na rin
Sanhi lang minsan ng pag-iwas marahil
Na ma-regular yan sa kanyang gawain
Kaya’t gaano man kahusay ng isang
Taong sa trabaho ay maaasahan,
Tiyak walang tsansa itong karamihan
Na mapirmi sila sa pinapasukan.
Dala nga nitong ‘security of tenure’
Na ibinasura ng kung sinu-sinong
Mga mambabatas na siyang nagsulong
Sa ‘contractual basis’ na talamak ngayon
At tunay naman ding ang kalakarang yan
Itong sa panig ng ‘labor’ ang pumatay
Sa dati ay makataong karapatan
Na magkaroon ng pirming hanapbuhay
Na di tulad ngayon na ‘casual’ palagi
Ang ‘labor sector’ sa opisyong napili,
Dahilan na rin nga sa napakadali
Lamang ng panahong pupuedeng ilagi
Ng mga empleyado pagkat hanggang lima
O anim na buwan lang ang kontrata nila,
Sapagkat iniiwasan nga lagi na
Ng tusong employer na mapirmi sila.
Kaya suma total anong kahantungan
Ng kawawang worker sa puntong naturan
Kundi ang sila ay manatiling ‘casual’
Sa bawat kumpanya nilang mapasukan?
Panahon na upang ang ganyang palakad
Ay mabigyang pansin ng maka-mahirap
Nating mga Solons para maging tiyak
Ang ‘norms of justice’ na dapat ipatupad!