Alvarado: Libong Plaridel ang kailangan sa reporma

    330
    0
    SHARE
    BULAKAN, Bulacan—Kailangan ng bansa ang 1,000 Plaridel para sa tunay na reporma sa pamahalaan.

    Ito ang buod ng mensahe ng mga opisyal na nakapanyam ng Punto kaugnay ng paggunita sa ika-160 kaarawan noong Lunes, Agosto 30 ni Gat. Marcelo H. Del Pilar, ang itinuturing na ama ng makabagong peryodismong Pilipino, mas kilala sa tawag na “Plaridel.”

    Ang paggunita sa kaarawan ni Plaridel na isang pista opisyal sa lalawigan ay dinaluhan ng libong Bulakenyong opisyal, mag-aaral at mga kasapi ng ibat-ibang samahan kabilang ang mga abogado at mga kasapi ng Masonriya sa bansa.

    “Hindi lamang 100 Plaridel ang kailangan natin ngayon, kundi 1,000 Plaridel at higit pa para sa tunay na reporma sa lipunan at pamahalaan,” ani Gob. Wilhelmino Alvarado sa kanyang talumpati.

    Ang pananaw na magkaroon ng maraming Plaridel sa bansa ay unang iminungkahi ni Gat. Jose Rizal ng mabasa niya ang mga sinulat ni Plaridel sa pahayagang La Solidaridad noong huling bahagi ng 1800.

    Ayon kay Alvarado, bilang pagpupugay sa bayaning Bulakenyo ay sinabi ni Rizal na “bakit hindi tayo magkaroon ng 100 Plaridel.”

    Ang pagpupugay na ito ay muli pang inulit ng yumaong Senador Soc Rodrigo sa kanyang mga tulang sinulat, at maging sa panulat ng historyador na si Dr. Luis Camara Dery.

    Sa nasabing talumpati ay binigyang diin ng gobernador ang kontribusyon sa bansa ni Plaridel sa pamamagitan ng panulat na nagmulat sa mas maraming Pilipino sa mga pang-aabuso ng mga Kastila, na nagsilbi ring mitsa ng pag-aalsa ng mga Pilipino sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio noong 1896.

    Binanggit din ni Alvarado na pansamantalang nagkaroon ng tunggalian sina Rizal at Plaridel sa Espanya hinggil sa usapin kung ano ang dapat maging paninindigan ng pahayagang La Solidaridad.

    “Nanindigan ang ating bayani na si Marcelo H. Del Pilar na ang La Solidaridad ay dapat mag-ulat ng parehas, balanse at walang kinikilingan,” ani Alvarado na nagpatunay na si Plaridel ang kauna-uahang modernong mamamahayag sa Pilipinas.

    Sa panayam ng Punto, sinabi ni Alvarado na katangi-tangi ang sakripisyong ginawa ni Plaridel para sa bansa, dahil minabuti nito na mawalay sa pamilya upang isulong ang kilusang propaganda sa panaanatili sa Espanya.

     Upang maipakilala ang katangian ni Plaridel sa kasalukuyang henerasyon, sinabi ni Alvarado na “kinakailangan ay 100, tayong lahat ay maroong katangian ni Marcel H. Del Pilar.”

    Iginiit pa niya na “palulutangin natin at pahahalagahan ang ating kasaysayan sa pamamagitan ng promosyon ng kasaysayan sa mga kabataang mag-aaral.”

    Inayunan naman ito ni Gabriel Lopez, executive director ng National Historical Commission (NHC).

    Ngunit sinabi niya na hindi lahat ay nakakakilala kay Plaridel o nakakaalam sa katangian ng bayani.

    Ayon kay Lopez, kailangang makilala ng mga mag-aaral si Plaridel.

    “Maging high school at kolehiyo ay dapat malaman na noong araw ay mayroon tayong isang Marcelo H. Del Pilar na buhat sa pamilyang mayaman na ibuwis ang lahat para ituloy ang proganda,” ani Lopez.

    Binigyang diin niya na ang adbokasiya ni Plaridel ay hindi panandalian lamang.

    “Maganda yung kanyang ehemplo kaya lang bihira ang nakakalam. Ang alam lang ng iba ay si Del Pilar ay si Plaridel, pero hindi nila alam na siya ay tunay na rebolusyunaryo,” ani Lopez.

    Idinagdag pa niya ang mga natatanging katangian ni Plaridel.

    “Yung kanyang voluntary service, abogado siya pero maraming tao na hindi makabayad pero inialay niya ang sarili niya na para ding free legal service,” dagdag pa ni Lopez.

    Inayunan din ito ni Alex Balagtas, ang curator ng Pambansang Dambana ni Gat. Marcelo H. Del Pilar sa bayang ito ng sabihin niya kailangang mapalaganap ang diwang bayani sa mga kabtaan.

    “Magandang hamon yun kaya lang medyo mabigat para matupad yun, sana nga ay may tumanggap lalo na sa kabataan natin, sanlibong Plaridel, isang malaking kontribusyon sa sambayanan, lalong mapapalaganap ang diwang bayani lalo na sa mga kabataan,” ani Balagtas.

    Aniya, ang mga katangian ni Plaridel ay dapat gayahin ng kasaluyang henerasyon.

    “Simple lang ang naging buhay at kabayanihan ni Plaridel, una ay sa pamilya, makikita sa pakikipagsulatan sa pamilya, pangalawa ay pagiging makamasa, pagtulong niya, isa siyang abogado pero hindi niya ginawang hanapbuhay ang abogasya, kundi bagkus ay tumulong sa mga nangangailangan, kaya parang abogado siya ng masa.

    Pangatlo para bayan, tiyaga, pagsusumikap at sakripisyo na bagamat maykaya, pinili niya na makipaglaban sa kabila ng kahirapan ng gutom at lamig, pero tiniis niya iyon. Nakalulungkot na malayo siya pamilya niya,” ani Balagtas.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here