LUNGSOD NG BALANGA — Limang kabataan, na ang isa ay isang taong gulang pa lamang, ang kabilang sa 17 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Bataan na ang kabuuang bilang ay mabilis na umakyat sa 480, sabi sa ulat ni Gov. Albert Garcia ngayong Sabado.
Ang mga kabataang naapektuhan ng virus ay isang taong gulang na babae at 6-anyos na lalaki na parehong mula sa Dinalupihan, 9-anyos na lalaki at 12-anyos na babae, kapwa mula sa Hermosa at 15-anyos na babae mula sa Samal.
Sa ulat ng provincial health office Biyernes ng gabi, ang iba pang bagong kumpirmadong kaso ng Covid–19 ay tig-isa sa Abucay, Hermosa, Limay, Orion at Samal, parehong dalawa sa Dinalupihan at Balanga City, at tatlo sa Mariveles, na ang isa ay in-patient sa isang ospital sa Bataan.
Umabot naman sa 283 ang bilang ng nakarekober na matapos gumaling sa mapanganib na virus ang tig-isa sa Dinalupihan, Samal at Bagac, at tatlo sa Mariveles.
Tumaas sa 184 ang bilang ng aktibong kaso samanatalang nananatili sa 13 ang pumanaw na.
Ayon sa PHO, may 9,266 na ang sumailalim sa Covid-19 test na ang 8,253 ay nagnegatibo na at 533 ang naghihintay pa ng resulta.