DINALUPIHAN, Bataan — Natupok ang central warehouse ng isang mall at trading company at nadamay ang isang bahay dito bago maghatinggabi ng Martes.
“Ang nakita ko lang umapoy ang central warehouse,” sabi ni Emilo Macale, security guard ng Vercon Supermart & Trading.
Ang malaking warehouse ang imbakan ng groceries, construction materials at ibang mga supplies ng Vercon.
Nasunog din ang isang bahay na katabi ng warehouse.
Ayon kay Fire Senior Inspector Edwin dela Fuente, Dinalupihan fire marshall, tumanggap sila ng tawag na may sunog 11:15 ng gabi ng Martes at agad silang nagresponde.
Sa tulong, aniya, ng 10 firetrucks, nalagay sa under control ang sunog 1:30 ng madaling- araw ng Miyerkules.
Ang mga firetrucks ay mula Olongapo City, Subic Bay Metropolitan Authority at sa mga bayan ng Hermosa, Orani at Limay sa Bataan bukod sa Dinalupihan.
Wala naman umanong nasaktan.
Sinabi ng fire marshall na iniimbestigahan pa at patuloy pang inaalam kung ano pinagmulan ng apoy at kung magkano ang pinsalang iniwan nito.