
LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng kilos protesta sa harapan ng Bulacan Regional Trial Court nitong Hunyo 2 ang ilang residente ng bayan ng Angat dahil sa pagbasura ng korte sa isang kasong protesta sa halalan na isinampa ng kanilang natalong mayoralty candidate na si Lamberto de Leon sa 259 marginal winning votes ng re-elected Mayor Jowar Bautista.
Ito ay kasunod ng pagbasura ni Judge Golda Pablo-Salamat ng Branch 78 ng Bulacan RTC noong Mayo 28 ang election protest case na isinampa ng kampo ni De Leon laban kay Bautista dahil sa “insufficient in substance.”
Duda daw ang mga nagpoprotesta sa pagkapanalo ni Bautista na hindi pa ganap na tapos ang bilangan ay agad na itong ipinroklama bilang panalo ng 259 votes laban kay De Leon.
Ayon sa isa sa mga nag-rally na si Estelita Joaquin, 78, mula sa Barangay Sulucan, Angat, nais nilang manaig ang katotohanan sa resulta ng halalan noong Mayo 12 kung saan ibinoto nila ang kanilang kandidatong De Leon.
Sinabi naman ni Glenda Dela Cruz, 50, mula sa Barangay Paltok na si De Leon ay nanalo sa halos lahat ng 16 na barangay sa Angat, ngunit proklama na nanalo lamang sa 10 barangay.
Anila, 85% lang ng resulta ng halalan ang nabibilang ay agad na daw na ipinroklama si Bautista bilang panalo sa pagka-alkalde kayat duda sila sa resulta ng eleksyon at nais nila na pagbigyan ng korte ang hiling na recount.
Samantala, ang nasabing election protest ay isinampa noong Mayo 22 at na-raffle sa sala ni Salamat na humingi ng recount sa mga boto ni De Leon sa 22 presinto matapos magtala ang natalong mayoralty candidate ng napakaliit na 259 na natalong boto.
Hiniling ng kampo ni De Leon sa korte ng muling pagbibilang matapos ang re-electionist na si Bautista ay nakakuha ng 18,892 na boto laban sa 18,633 na boto ni De Leon.
Sa 2-phinang order, sinabi ni Salamat na kulang sa porma at substance ang election protest na inihain ng kampo ni De Leon.
Ngunit sa motion for reconsideration na inihain ni De Leon ay nakasaad anila sa protesta na ang 22 sa 54 na presinto na binubuo ng higit sa 20% ng kabuuang bilang ng mga nagpoprotestang presinto ang nagpapakita ng mga merito para pagbigyan ang protesta.
Matatandaan na si De Leon ay humalili sa kandidatura ng namayapang si Angat Mayor Leonardo “Narding” de Leon na namatay noong Enero 5, habang nasa isang pulong sa Baliwag City para sa paghahanda sana sa pagsisimula ng kampanya.
Samantala, sinisikap pa ng Punto! na makuha ang panig ni Bautista hinggil sa nasabing protesta.