Di ko ninanasang sabihing may himig
Pagpapalapad kay PNoy ni 1st District
Congressman Yeng Guiao ang ‘Bill’ na ninanais
N’yang isulong sa House of Representative
Kundi ng posibleng matatawag manding
Pagpapasipsip sa Presidente natin,
Dahilan na nga sa di lingid marahil
Kay sir na ang ngalang Clark balak alisin
Saka ano pa nga kayang matatawag
Itong batid na niyang ang katawagang ‘Clark’
Sa Pandaigdigang Paliparan o CIAC
Ay DMIA na nga ang dapat itawag
Ano’t inihain pa niya sa Kongreso
Na ipangalan yan kay Cory Aquino
Kung di pagsipsip nga sa naturang punto,
Ang mababanaag natin kabayan ko?
Hindi pa ba sapat na ang dating MIA
Ay naging NAIA ng dahil sa Ama
Ni Pangulong PNoy bilang memorabilia
Sa kabayanihan nitong pinakita?
At di kaya isang malaking insulto
Kay Apung Dadong at sa pamilya nito,
Itong ‘bill’ ni Yeng Guiao na ipalit dito
Ang CIA sa DMIA sa panahong ito?
Gayong ang DMIA ay ginagamit na
Bilang pangalan ng ‘Freeport’ sa Pampanga,
Kaya ano’t maghahain pa ng iba
Kundi nang dahil sa nabanggit sa una?
Kung saan sanhi ng ang dating Pangulo
Ay nagkaproblema sa panahong ito
Ay bale-wala na at di irespeto
Ang katayuhan nila at pagkatao?
At kung bawat wala na sa katungkulan
Ay bale wala na rin ang ano pa mang
Naging pagkilala’t bigay na parangal,
Para sa mabuting nagawa sa bayan
Eh di kung gayon ay wala na ring saysay
Ang dugong tumigis sa dibdib ni Rizal
Nang ialay niya ang tangi niyang buhay
Nang dahil sa kanyang mithing kalayaan?
Kay daming bagay na maipanukala
Upang maging batas ano’t itong gawa
Na at umiiral ang siyang ninanasa
Nitong ietse puwera’t baguhin pa yata?
O ginagaya lang ninyo itong buwisit
Na opisyal diyan na lubhang mapilit
Sa katawagang Clark – at iginigiit
Niyang sa dati pang tawag maibalik
Na Clark nga ang tawag sa naturang Freeport,
Kung saan pangalan ng tanyag na ‘pilot’
Na namatay sa ‘plane crash’ tinawag lubos
Itong sa Pampanga ay kilalang Airport.
Na sa ganang aming sariling opinion
Ay di marapat na mabigyan ng honor,
Na maipangalan ang ating ‘Freeport Zone’
Sa taong yan pagkat ni hindi ka-Rehiyon.
Kundi sampid lamang na maituturing
At wala ring naging kontribusyon sa’ting
Inangbayan, kaya anong dapat nating
Kay Mr. Harold Clark kailangang tanawin?
Aywan nga lang sa’tng butihing Congressman
Kung bakit imbes Diosdado Macapagal
Ang isulong upang ang ‘Clark’ ay palitan
Ay sa iba pa niya gustong ipangalan?