Home Headlines 2 evacuees hirap sa paghinga isinugod sa pagamutan, 1 patay

2 evacuees hirap sa paghinga isinugod sa pagamutan, 1 patay

152
0
SHARE
Ang Obando National High School na nagsisilbing pansamantalang silungan ng mga residenteng apektado ng haze dahil sa Navotas landfill. Kuha ni Rommel Ramos

OBANDO, Bulacan —- Dalawang evacuees ang isinugod sa pagamutan habang isa ang namatay nitong gabi ng Abril 19 matapos na mahirapang huminga habang nasa Obando National High School evacuation center na nagsisilbing pansamantalang silungan ng mga residenteng apektado ng haze mula sa nasunog na Navotas landfill.

Ayon kay Obando Municipal Health Office Dr. Abner Ganaban, ang evacuee na si Rodolfo Crisostomo, 69, ay nakaramdam ng pagkahilo at tumaas ang blood pressure sa 160/100. Binigyan ito ng gamot pero ito ay nagsuka kaya isinugod sa ospital.

Habang ang asawa nito na si Flordeliza Crisostomo ay nasa isang linggo nang hirap huminga dahil sa hika at nang ma-check-up ay may huni ito sa baga kaya isinugod na rin sa pagamutan.

Ayon kay Ganaban, nasa walo na ang evacuees ang isinugod sa pagamutan dahil sa hirap sa paghinga. Posible aniya na ang mga pagkakasakit na ito ay may kinalaman sa usok na nalalanghap dahil sa nasusunog na landfill sa Navotas.

Samantala, namatay naman kagabi bago pa man dumating sa pagamutan ang evacuee na si Arlene Abot, 54, matapos ding mahirapang huminga habang nasa evacuation center.

Ayon kay Ganaban, may malubha nang karamdaman na hyperthyroidism, diabetes, heart failure at CKD si Abot. Bagamat may comorbidity ito ay may posibilidad din ayon kay Ganaban na ang nalanghap na usok ng biktima mula sa nasusunog na landfill sa Navotas ang isa sa nag-trigger sa paghirap nito sa paghinga.

Si Abot ay isa sa mga inilikas sa Obando National High School noong ika-11 ng Abril nang maranasan ang mabahong usok sa Barangay Salambao dahil sa landfill sa Navotas.

Ayon pa kay Ganaban, ina-assess na mabuti ang mga evacuees kasama na si Abot at hindi pa ito nakararanas ng hirap sa paghinga noon at in-advise na ituloy ang gamot at magsuot ng facemask.

Samantala, pinipilit pa ng Punto! na makuha ang reaksyon ng mga kaanak ni Abot ngunit kasalukuyan pang nasa isang ospital sa Navotas ang mga ito para asikasuhin ang mga labi nito.

Paalala naman ni Ganaban na ang mga may comorbidity na residente ng Obando ay dapat na manatili na lang ng kani-kanilang mga bahay at iwasan ang strenuous activity dahil marumi pa ang hangin dahil sa usok na nagmumula sa Navotas landfill.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here