LUNGSOD NG BALANGA — Matapos magtala ng limang namatay sa coronavirus disease sa Bataan noong Miyerkules, may limang sumunod na nasawi nitong Huwebes kaya 393 na ang lahat ng pumanaw, batay sa ulat ng provincial health office ngayong Biyernes.
Kabilang sa mga bagong nasawi ang 59-anyos at 52-anyos na parehong lalaki mula sa Dinalupihan, 39-anyos at 21-anyos na mga lalaki sa Samal, at 90-anyos na babae sa Balanga City.
Sa kasalukuyan, umakyat sa 11,588 ang bilang ng mga nagpositibo sa virus na 1,171 ang mga aktibo matapos magkaroon ng 59 bagong kumpirmadong kaso.
Ang mga ito ay mula sa Mariveles – 30, Balanga City – 8, Dinalupihan – 6, Limay – 4, Orani – 4, Abucay – 3, Hermosa – 3, at Samal – 1.
Sa kabuuan, tumaas sa 10,024 ang mga nakarekober sa pagkakadagdag ng 58 bagong gumaling – Orion, 17; Mariveles, 16; Balanga City, 6; Hermosa, 5; Abucay, 4; Bagac, 4; Dinalupihan, 4; at Orani, 2.
Umabot na sa 82,369 ang lahat ng nabakunahan ng unang dose at 25,554 ng pangalawang dose na pawang kabilang sa priority groups A1, A2 at A3.
Pansamantalang natigil ang pagbabakuna sa Bataan People’s Center sa Balanga City na nagsisilbing main vaccination site dahil sa kakulangan ng vaccine supply.
Sa Vista Mall sa Balanga City ay patuloy naman ang pagbabakuna bagama’t limitado lamang ang bilang sa 300 slots araw-araw.