3 pushers patay sa drug raid

    845
    0
    SHARE

    SUBIC, Zambales – Patay ang tatlong drug pushers matapos makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Zambales police, Special Action Force, Philippine Drug Enforcement Agency at Criminal Investigation and Detection Team nang kanilang salakayin ang pugad ng mga drug pushers sa Muslim Area, Barangay Calapacuan sa bayang ito kahapon ng umaga.

    Kinilala ni Chief Inspector Oriano Mina, hepe ng Subic PNP, ang mga suspek na napatay na sina Jun Jun Jakaria, Ricky Haton Jakaria at isang di pa kilala, pawang mga residente ng Purok 6-B, Muslim Area, Barangay Calapacuan.

    Ayon sa ulat, nasa aktong mag-serve ng warrant ang mga pulis nang salubungin sila ng magkakasunod na putok ng baril kung kaya gumanti ang mga ito at nasawi ang tatlong suspek. Narekober sa tabi ng bangkay ni Junjun Jakaria ang isang kalibre 45 baril.

    Batay sa record ng pulisya, si Jakaria ay, may kasong kinahaharap sa Olongapo City RTC, Branch 74 sa sala ni Judge Roline Ginez-Jabalde sa kasong paglabag sa RA 9165, “Attempted Murder at Robbery with Intimidation of Person.”

    Ganun din ang kasong murder na isinampa sa RTC, Branch 75 sa sala ni Judge Raymond Viray. Si Jakaria ay nasa talaan ng Subic PNP bilang No.1 Most Wanted Person sa buwan ng September. Kaugnay nito, dinakip ng pulisya sina Abdul Abdurasid, 47, at Anna Aurea Abella, 41, ng Orani, Bataan nang madatnan ang mga ito ng raiding team sa loob ng bahay na tukoy ng search warrant na ipinalabas ni Judge Norman Pamintuanng RTC, Branch 73 sa suspek na si Jessica Taralus ng Purok 6-B, Muslim Area, Barangay Calapacuan.

    Si Abdurasid ay may warrant of arrest sa sala ni Judge Roline Ginez-Jabalde ng RTC, Branch 74 sa kasong paglabag sa RA 9165. Nakuha ng mga raiding team ang mga sachet ng shabu, ibat-ibang drug paraphernalia, .22 long fire arm, .38 revolver at mga bala.

    Dahil dito, ipinag-utos na ni Zambales provincial police director Senior Supt. Manuel Abu na pagkalooban ng Medalya ng Kagalingan ang lahat ng mga pulis na tumulong sa nasabing raid.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here