White lady, kapre nagpapakita sa Calumpit

    649
    0
    SHARE
    CALUMPIT, Bulacaan—Naniniwala ka ba sa white lady, tikbalang, kapre at tiyanak?

    Marami ang nagsasabing likha lamang ang mga ito ng malikot na isipan ng mga matatanda noong unang panahon para matakot ang mga bata at matulog ng maaga.

    Ngunit para sa mga residente ng Sitio Pulo, Barangay San Jose ng bayang ito, totoo ang mga kuwento ng mga nilalang na ito dahil sila mismo ang nakaranas.

    Kabilang sa kanila ay mga simpleng maybahay, magsasaka, tricycle driver at mga kabataan na minsan o sa ilang pagkakatataon ay naramdaman, nakita, at narinig nila ang mga nasabing nilalang na nagpatindig ng mga balahibo sa kanilang katawan.

    Ang mga karanasang ito ay nangyari sa may tatlong kilomentrong kalsada na nag-uugnay sa Sitio Pulo at sa Barangay San Jose ng bayang ito.

    Ang kalsada ay kongkreto na.  Kung nakaharap ka sa silangan, nasa kaliwa nito ay isang patubig, sa kanan ay bukid.  Ito ay bumabagtas sa malawak na bukirin ng Barangay San Jose.

    Ilang bahagi ng kalsada ay may mga nakatanim na puno ng akasya, kamatsile at ipil, ang ilang bahagi ay talahiban.  Madilim ang kalsada kung gabi dahil walang ilaw ang mga posteng nakahilera doon, at walang mga bahay sa magkabilang panig sa kahabaaan ng nasabing kalsada.

    “Walang ilaw ang mga poste dito at bukid ang magkabilang panig ng kalsada,” ani  Caridad Robles, 46, ang mamimilli ng mga isda sa Hagonoy na kanya namang ibinibenta sa kalakhang Maynila.

    Katulad ng ibang malalayong lugar, ang kadilimang bumabalot kung gabi sa kahabaan ng nasabing kalsada ay nagluluwal ng mga kuwento ng ibat-ibang nilalang tulad ng white lady o multo ng babaeng nakaputi, tikbalang, kapre at tiyanak.

    Bilang isang tindera na madaling araw kung umalis ng bahay at gabi kung umuwi, maraming kuwento ng karanasan si Robles.

    “Madalas may mambabato sa iyo habang naglalakad, pero hindi ka naman patatamaan. Sa tubig lang bumabagsak,” aniya ay sinabing hindi magbibiro ng ganoon ang kanyang mga kapitbahay upang manakot kung gabi dahil sila man mismo ay takot.

    Sa ibang pagkakataon ikinuwento niya na nabanaagan niya ang anino ng isang matangkad na lalaki sa pagitan ng mga punong akasya, ngunit habang papalapit siya at mapapadaan doon ay nawala ang anino.

    Ayon sa mga residente, ang nakita ni Robles ay kapre, na karaniwang nakikita sa gabi na humihitit ng tabako.

    Marami ding residente ang nakakita na sa nasabing kapre, ngunit wala silang maipakitang ebidensiya tulad ng larawan dahil kapag nakita nila ito o kaya’y kapag mapapapadaan sila sa mga puno ng akasya ay tumatakbo na sila ng mabilis.

    May mga kuwento rin ng multo ng babaeng nakaputing damit na ayon sa mga residente ay parang namimili lang pagpapakitaan.

    “Hindi lahat ay nakikita yung white lady, pero may mga incidences na biglang lumilitaw kapag dumadaan ang mga nakamotorsiklo, kaya yung iba nahuhulog sa irrigation canal sa takot,” ani Robles.

    Sa isang pagkakataon, nahulog sa sapa ang motorsiklo ng kanilang kapitbahay nang makita ang multo ng gabing dumaan doon, kaya’t umaga na iniahon sa tubig ang motorsiklo.

    Ngunit kakaiba ang karanasan ni Pitong Vasquez.

    Isang gabi, nag-iisa siyang bumiyahe sa nasabing kalsada.  Nang tumingin siya sa kanyang side mirror ay nakita niya ang multo na naka-angkas sa kanyang likod.

    Hindi na muling tumingin sa side mirror si Vasquez.  Hinawakan niyang mabuti ang manibela at dire-diretsong bumiyahe pero naninindig ang kanyang mga balahibo.

    Nakita rin ng ilan pang tricycle driver ang nasabing babaeng multo sa ibang pagkakataon, kaya naman hindi na sila naghahatid ng pasahero sa Sitio Pulo kung gabi.

    Ngunit para kay Amado Domingo, isang tricycle driver na nakatira sa Sitio Pulo, “sanayan din at palakasan ng loob.”

    Katulad ng ibang resident eng Sitio Pulo, naniniwala si Domingo na hindi mananakit ang mga multo at iba pang nilalang na nakikita sa kahabaan ng nasabing kalsada.

    Ngunit naniniwala sila na “yung takot ang magpapahamak sa iyo.”

    Hindi lahat ay natatakot na pumunta kung gabi sa kalsada  papasok sa Sitio Pulo.

    “Marami ang nagde-date dito sa gabi, pero dun lang sa bandang bungad paglampas sa mga bahayan, hindi sila lumalapit doon sa mga acacia,” ani ng ilang residente.

    Mayroon namang iba na naglalakas loob ng  mag-ghost hunting sa nasabing lugar, ngunit para sa mga mga residente, delikado iyon.

    “Baka maaksidente lang sila sa takot kapag nagpakita sa kanila yung hinahanap nila,” ani ng mga residente.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here