LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Magpapatayo ng karagdagang mga pumping stations at water collection system sa mga istratehikong lugar sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX).
Ito ang magiging pangmatagalang tugon ng NLEX Corporation upang hindi na maulit muli ang paglubog sa baha ng ilang bahagi ng expressway partikular sa Tulaoc, San Simon, Pampanga.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni NLEX Corporation Assistant Vice President for Traffic Operations Robin Ignacio na napatunayang mabisa ang pagkakaroon ng mga pumping stations upang mabilis na mawala ang pagbabaha tulad ng nangyari sa Balintawak Cloverleaf sa hangganan ng mga lungsod Quezon at Caloocan.
Gayundin ang paggana ng katulad na pasilidad sa ibaba ng Valenzuela interchange kaya’t kahit bumaha, agad na naalis ang tubig makalipas lamang ng ilang oras.
Mabilis din aniyang naagapan na umapaw ang tubig sa Meycauayan River at sa Marilao-Meycauayan-Obando River System, at mas makakatiyak na hindi bumaha nang malalim sa bahaging ito ng NLEX kung magkakaroon na karagdagang mga pumping stations.
Para naman sa bahagi ng NLEX sa Tulaoc, kinokonsidera na ang pagpapagawa ng water collection facility na magsisilbing imbakan ng tubig sa panahon na may malalakas na pag-ulan.
Pakakawalan ang naipong tubig sa panahon na mababa na ang lebel ng tubig sa kalapit na mga sapa.
Matatandaan na noong 2023 na nagkaroon ng mga malalakas na pag-ulan na dala ng pinaigting na Habagat, nalubog din sa malalim na pagbabaha ang bahaging ito ng NLEX.
Kaya’t ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagtataas ng Tulaoc Overpass.
Ito ang tulay na tumatawid sa ibabaw ng NLEX at nagsisilbing tawiran ng mga sasakyan mula sa panulukan ng Manila North Road o Mac Arthur Highway sa hangganan ng San Simon at Apalit patungo sa gawi ng Mexico.
Dati itong may taas lamang na 4.5 meters na vertical clearance kaya’t limitado noon ang maaaring itaas na lebel ng kalsada ng NLEX sa bahagi ng Tulaoc.
Nauna nang itinaas ng NLEX Corporation ang lebel ng kalsada sa bahaging ito ng expressway sa taas na 0.7 meter.

Ngayong naitaas na ng DPWH ang Tulaoc Overpass sa 5.2 meters na vertical clearance,
magbubunsod ito sa pagkukumpleto na maiangat ang roadway ng NLEX sa Tulaoc sa 0.3 meters pa upang ganap na maging isang metro.
Kritikal ang bahaging ito ng NLEX dahil ito ang nagsisilbing mabilis na daan patungo sa ibang bahagi ng Gitna at Hilagang Luzon gayundin paluwas pabalik sa Metro Manila.
Kaugnay nito, ipinahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang inspeksiyon sa sitwasyon ng pagbabaha sa Tulaoc at ilalim ng San Simon interchange ng NLEX, na tutulong ang ahensiya sa pamamagitan ng pagpapagawa ng retaining wall sa bahaging ito ng expressway na binabaha.
Ito’y upang makatulong sa mga planong pasilidad na ipapagawa sa paligid nito gaya ng water collection system at ng karagdagang mga pumping stations. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Pampanga)



