Home Headlines DSWD pinaiigting ang ayuda sa mga pamilyang apektado ng Habagat sa Pampanga

DSWD pinaiigting ang ayuda sa mga pamilyang apektado ng Habagat sa Pampanga

185
0
SHARE

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) — Pinaiigting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha dulot ng Southwest Monsoon o Habagat sa Pampanga.

Personal na binisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga evacuation center sa Lubao at Porac upang kumustahin ang mga evacuee at alamin ang kanilang mga agarang pangangailangan.

Sa Lubao, nasa 51 pamilya o 168 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa Multipurpose Evacuation Center, habang 146 na pamilya o 473 indibidwal naman ang nasa Provincial Evacuation Center and Isolation Facilities sa Barangay Sta. Catalina.

Tiniyak ni Gatchalian na patuloy na tutugon ang DSWD sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kanilang kaligtasan at kapakanan.

Kabilang sa agarang tulong na ipinamahagi ng DSWD ang family food packs (FFPs), ready-to-eat food boxes (RTEFs), at cash assistance para sa mga pamilyang nangangailangan.

Sa Porac, kinumusta rin ng kalihim ang mga pamilyang Aeta na pansamantalang nananatili sa Porac Municipal Gym matapos lumikas dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Personal na binisita ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga pamilyang Aeta na pansamantalang nanunuluyan sa Porac Municipal Gym matapos lumikas dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng Habagat. (DSWD 3)
*cover photo courtesy of DSWD 3

Namahagi rin ang DSWD ng hot meals na inihanda sa pamamagitan ng Mobile Kitchen bilang tugon sa agarang pangangailangan ng mga evacuee.

“Kasama po ninyo ang DSWD sa anumang sakuna, at hinding-hindi namin kayo pababayaan hanggang sa kayo ay muling makabangon,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng mabilis at direktang paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad na apektado ng kalamidad, lalo na sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.

Patuloy namang minomonitor ng DSWD ang sitwasyon sa mga apektadong lugar upang matukoy ang karagdagang pangangailangan at maihatid agad ang kaukulang tulong.

Kasama ni Gatchalian sa pag-iikot sina DSWD Assistant Secretary for Special Concerns and Spokesperson Irene B. Dumlao, DSWD Field Office 3 Regional Director Venus F. Rebuldela, dating Pangulo at Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo, at Governor Lilia Pineda, gayundin ang mga lokal na opisyal ng mga nasabing bayan.

Aniya, ang patuloy na relief operations ay bahagi ng disaster response ng pamahalaan upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga apektadong pamilya at masuportahan ang kanilang ligtas at maayos na pagbangon mula sa epekto ng Habagat. (CLJD/MJSC, PIA Region 3-Pampanga) 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here