LUNGSOD NG BALANGA (PIA) — Tumanggap ng tig-P2,000 tulong pinansyal ang 355 kwalipikadong benepisyaryo mula sa bayan ng Pilar, Bataan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance ng pamahalaan noong Hulyo 28.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 3 ang pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga benepisyaryong kabilang sa UPLIFT Group 2, na binubuo ng mga mahihirap at near-poor na sambahayang natukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System.
Makatatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng P2,000 buwan-buwan sa loob ng anim na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre 2026, upang makatulong sa gastusin sa pagkain, transportasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.

Ayon sa DSWD, manual o face-to-face payout muna ang ipinatupad ngayong buwan upang matiyak ang kawastuhan ng datos ng mga benepisyaryo bago isagawa ang digital transfer sa mga susunod na buwan.
Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing mas mabilis, ligtas, at maayos ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan.
Sa kanyang ika-limang State of the Nation Address, sinabi ng Pangulo na agad na kumilos ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga bulnerableng sektor mula sa epekto ng tensiyon sa Gitnang Silangan na nagdulot ng banta sa presyo ng langis at pagkain sa pandaigdigang merkado.

“Mula nang tumama sa ating bansa ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan, nagdeklara tayo agad ng State of National Energy Emergency. Iisa ang ating misyon: UPLIFT — ang iahon ang ating nahihirapang mga mamamayan,” pahayag ni Marcos.
Idinagdag ng Pangulo na inatasan niya ang mga ahensiya ng pamahalaan na magpatupad ng pagtitipid upang mailaan ang pondo sa mga programang may direktang pakinabang sa mamamayan.
“Ibinuhos natin ang pondo kung saan karapat-dapat at mas kinakailangan: sa mga pangunahing serbisyong ramdam at tiyak na makakatulong sa ating mamamayan,” ani Marcos.
Ang UPLIFT Assistance ay isa sa mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mapanatili ang katatagan ng kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga mahihirap at bulnerableng sektor. (CLJD/RPQ, PIA Region 3-Bataan)



