Triplets ipinanganak sa Bataan Doctor’s hospital

    115
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG BALANGA, Bataan – Masayang-masaya ang 29-taong gulang na babaing nagsilang ng triplet subalit medyo nagpahayag ng alalahanin kung paano ang gagawing pag-aalaga sa tatlong malulusog na sanggol.

    “Masaya ako kaya lamang sa pag-uwi titingnan namin ang situasyon kung paano ang pag-aalaga sa kanila,” pahayag ni Cherrylyn Fuertes habang nakangiting tinitingnan ang asawang si Gerwen Fuertes, 30.

    Ang ina ay pangkaraniwang maybahay samantalang ang lalaki  ay isang document controller at anak ng magazine at newspaper dealer sa buong Bataan. Nakatira sila sa barangay Laon, Abucay, Bataan.

    Ang triplet ang ikalawang ipinagbuntis ni Cherrylyn. Babae ang una nilang anak na pitong taong gulang na.

    Ang mga sanggol ay sina Kwenly Cheska na tumitimbang ng 1,361 grams, Kwenly Chelsi, 1,503 grams at Kwenn Chester, 1,616 grams. Magkasunod na ipinanganak ang dalawang babae ng 7:54 at 7:55 ng gabi noong nakaraang Sabado. Ang lalaking sanggol naman ay 7:56 p.m.

    Masiglang ikinuwento ng mag-asawa na sa unang buwan pa lamang ng chek-up ay sinabing kambal ang kanilang anak. Subalit matapos ang dalawang linggo, anila, ay naging tatlo na ang mga ito. Pabiro pa, anilang itinanong nila sa doktor kung saan nagtago ang isa.

    Nagluwal si Cherrylyn by caesarian section.

    Sinabi naman ni Rolando Mina, 59, lolo ng triplet, na marami sa kanilang pamilya ang kambal ngunit ngayon lamang, aniya, nagkaroon ng tatlo. Ang lolo ay may kapatid na kambal, pamangking kambal at iba pang kambal sa pamilya.

    Wala namang pagsidlan sa galak ang mga doktor, nurses at ibang staff sa malaki at modernong Bataan Doctors Hospital sa Balanga City. Sa operating room ay masayang-masaya sila.

    Ang ospital ay naitatag noong Setyembre 1970 ngunit ito, anila, ang kauna-unahang triplet na isinilang sa kanilang ospital, sabi ni chief nurse Aurora de Leon. Dalawang OBGyne ang nagpaanak sa triplet samantalang dalawang OBGyne pa ang nagmamasid, sabi ng chief nurse.

    Wala pa ring maisagot ang provincial health office ng Bataan kung may iba pa bang triplet na nailuwal sa lalawigan. Wala umano silang matandaan at susuriin pa umano nila ang kanilang mga record.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here