CABANATUAN CITY – Alinsunod sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), tuluyan nang ipatutupad ng pamahalaang lungsod ng Cabanatuan ang pagbabawal ng tricycle at pedicab sa Maharlika Highway simula Miyerkules ng darating na linggo.
Nitong Miyerkules ay pinulong ng city legalization office, pulisya, at DILG ang mga pangulo ng iba’t ibang TODA o tricycle operators and drivers association sa lungsod upang ibahagi ang nasabing plano.
Unang inihayag ng mga opisyal na posibleng ngayong Lunes ay ipatupad na ang tricycle ban sa highway ngunit umapela si Tri-wheels Federation president Christopher Lee.
Ipinunto ni Lee na batay sa DIGD Memorandum Circular no. 2007-01 ay maaari namang dumaan ang tricycle sa national highway kung walang alternate route.
Kung gayun sabi niya ay kailangan munang magkaroon ng malinaw na guidelines kung aling bahagi ng highway ang walang alternate route at pwedeng mag-highway.
Naniniwala si Lee na magdudulot ng kalituhan sa parehong panig ng driver at traffic enforcer kung hindi naka-mapa ang mga tamang daan.
Ayon kay DILG city director Willy Lapuz, kailangang ipatupad ang kautusan batay na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang ahensiya.
“Sa buong Pilipinas po ito,” sabi ni Lapuz.
Nagkasundo ang mga opisyales at TODA na gagawala ng panukala na ihahain sa sangguniang panlungsod sa lalong madaling panahon.
Bukod sa mga driver, inaasahang magdudulot rin ng negatibong epekto sa mga mananakay ang pagbabawal ng tricycle sa Maharlika highway.
Mahigit 20,000 ang rehistradong tricycle na pamasada sa Cabanatuan City, bukod dito ang libu-libong mga pribado.