LUNGSOD NG MALOLOS – Handang-handa na ang Tollways Management Corporation (TMC) sa inaasahang paglobo ng bilang ng sasakayan sa North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) habang nalalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Bilang tagapamahala sa dalawang expressway, sinabi ng TMC na umaasa sila na aabot sa 20 porsyento ang itataas ng bilang ng sasakyan na dadaan sa expressway partikular na sa Disyembre 23 o dalawang araw bago ang Pasko at sa Enero 1 at 2 kung kailan ay magbabalikan sa kalakhang Maynila ang mga nagsipagdiwang sa mga lalawigan sa hilaga.
Patungkol naman sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Bocaue Toll Plaza, sinabi ni Benigno Valles, ang senior manager for corporate communications ng TMC na nagdagdag na sila ng mga tauhan mula pa noong Disyembre 16.
“We expect additional 30,000 to 35,000 vehicles using the NLEX on December 23,” ani Valles patungkol sa mga taong magsisiuwi sa mga lalawigan sa hilaga upang magdiwang ng Pasko at Bagong Taon kasama ang kanilang pamilya.
Ang nasabing bilang ay karagdagan sa 156,000 average daily traffic volume sa 84 na kilometrong NLEX mula Balintawak sa Lungsod ng Quezon hanggang Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Valles, naramdaman na nila ang limang porsyentong dagdag na bilang ng sasakyang dumadaan sa NLEX apat na linggo na ang nakakaraan.
“Four weeks ago, tumataas ng five percent ang volume ng sasakayan every week, kaya naghahanda ka,” aniya.
Iginiit ni Valles, na kaya ng NLEX at SCTEX ang mataas na bilang ng sasakyan, ngunit ipinaalala niya sa mga motorista ang dagdag na pag-iingat upang makaiwas sa abala at disgrasya.
Bilang paghahanda sa mga aksidente, dinagdagan na ng TMC ang bilang mga tauhan maging mga ambulansiya at kagamitan para sa pagsaklolo sa mga maaaksidente.
Bukod sa mga ito, magdagdag din sila ng mga ambulant tellers sa mga pangunahing toll plaza tulad ng Balintawak, Mindanao Avenue, at Dau.
Ayon kay Kiko Dagohoy, ang media relations specialist ng TMC, magdadagdag sila ng mga spare lanes sa Balintawak sa Disyembre 23 upang hindi humaba ang pila. Ito ay bilang pagtugon sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga sasakyan.
Sa Enero 1 naman, madadagdagan ang TMC ng ambulant teller sa Bocaue southbound bilang pagtugon sa inaasahang pagtaas ng bilang ng sasakyang pabalik ng kalakhang Maynila.
Ang mga katulad na na plano ay isasagawa rin nila sa SCTEX partikular na sa mga sumusunod na toll plaza: Mabalacat, Tarlac, San Miguel at Tipo sa Zambales.
Bukod sa mga ambulant tellers sa mga toll plaza, dadagdagan din ng TMC ang mga bilang ng patrol sa kahabaan ng dalawang expressway upang alalayan ang mga motoristang magkakaproblema.
Maging mga ambulansiya ay ikakalat nila sa mga sitratehikong lugar para sa mas mabilisang pagsaklolo.
Maglalagay din ng mga portable toilets ang TMC bago pumasok sa Mabalacat Toll Plaza, at paglabas ng Tarlac Toll Plaza , bukod pa sa mga bahagi ng Subic Bay Freeport.
Ipinayo din ni Dagohoy sa mga motorista na tumawag sa mga sumusunod na hotline para sa mabilis, ligtas at kumportableng paglalakbay: Para sa NLEX maaring tumawag sa (02) 580-8910 at 3-5000; samantalang para sa SCTEX, maaring tawagan ang numerong (0920) 96-SCTEX (72839).
Ang mga nasabing linya ay bukas sa loob ng 24-na oras, bukod pa sa maaaring kumuha ng update sa Facebook account ng SCTEX na tinawag na “Travel on Great Roads.”
Ayon kay Dagohoy makakakuha ng mga traffic updates sa nasabing Facebook account bawat oras lalo na sa mga peak periods.