Dati-rati kapag ang araw ng laya
ay pinagdiriwang dito sa’ting bansa
ang kahulugan sa tunay nitong diwa
makulay, maalab pag ginugunita
Para sa kanila itong kalayaa’y
isang pagkilala sa kadakilaan
ng mga bayani na nakipaglaban
sa kamay ng mga sakim na dayuhan
Noon ang a dose na petsa ng Hunyo
pag ginugunita ang araw na ito
hatid na mensahe sa puso ng tao
pagkakaisa ng bawat Pilipino
Subalit sa ngayon ating mamamalas
pagdiriwang nito’y tila ba palabas
upang ipakita sa ‘sangmaliwanag
na malaya na ang bansang Pilipinas
Sayang, ang pangarap nawalan ng saysay
ng mga bayaning nagbuwis ng buhay
dahil di pa ganap kalayaang tunay
sa anino nito na puspos ng lumbay
Ang tanikala na sa bayan gumapos
sa kalupitan ng mga mananakop
magpahanggang ngayon di pa nalalagot
o lumuwag man lang sa pagka-pulupot
Nakakawing pa rin sa’ ting mga paa
at sa leeg nitong mga taong aba
imbes na makalas ay hinigpitan pa
ng pulitiko na naging palamara
Sapagkat ang ilang nasa katungkulan
ay tila minana na ang kalupitan
at ang asal hayop ng mga dayuhan
na nagpahirap sa buong sambayanan
Dinaig pa nila ang mga buwitre
na lumalamon sa nabulok na karne
sa ating lipunan sila’y mga peste
kaya’t buhay natin nagkaletse-letse
masasabi mo bang tayo’y malaya na
kung di umiiral tunay na hustisya
kung sa kahirapan ay nakagapos pa
at di pa ganap ang ating demokrasya
Habang ang gobyerno ay mistulang pugad
na binabahayan ng maraming ahas
kalayaang tunay nating hinahangad
marahil ay isa na lamang pangarap
Habang mayrong ganid sa ating lipunan
ay hindi lalaya itong ating bayan
mga mayayaman lalong yumayaman
at ang mahirap ay naghihirap naman
Kahit ano yatang klase ng sistema
ang pairalin sa ating bansang ina
ito’y malulugmok sa hirap at dusa
dahil sa labis na pamumulitika
Iwawagayway sa a dose ng HUNYO
ang bandila nating mga PILIPINO
at ilan sa mga sasaludo dito
ay mga BUWAYANG, NAGKATAWANG TAO