Swimming pool ng baboy hit sa tag-init

    619
    0
    SHARE
    MALOLOS—Nakakita ka na ba ng swimming pool para sa mga baboy?

    Totoo.  Isang babuyan sa lungsod na ito ang naglagay ng swimming pool para sa mga baboy at biik upang maproteksyunan ang mga ito sa patuloy na pag-init ng panahon hatid ng El Niño na naging sanhi ng pagkamatay ng mga manok sa San Ildefonso noong Pebrero.

    Kaugnay nito, halos tatlong metro na lamang at sasayad na sa kritikal na 180 meters ang Angat Dam sa bayan ng Norzagaray na pinagkukunan ng 97 porsyentong inumin ng kalakhang Maynila, at patubig para sa mga bukirin sa Bulacan at Pampanga.

    Ayon kay Fortunato Dionisio, malaki ang natipid nila mula ng itayo ang bath pool para sa kanilang alagang baboy may dalawang buwan na ang nakakaraan.

    “Wala ng namatay sa mga biik na inaawat namin sa inahin  mula ng magpagawa kami ng swimming pool,” ani Dionisio, ang tagapamahala sa Amang Edong Farm na matatagpuan sa Barangay San Pablo ng lungsod na ito.

    Ang bath pool o swimming pool para sa mga baboy ay isang teknolohiyang itinuro kina Dionisio ng kanilang beterinaryo bilang tugon sa pag-init ng panahon hatid ng El Nino.  Ito ay may lalim na anim na pulgada.

    Ito ay dahil sa ang kasalukuyang lahi ng mga baboy, partikular na ang biik ngayon ay mahina ang katawan at madaling maapektuhan ng pagbabago sa timpla ng panahon.

    Ayon kay Dionisio, bago sila nagpagawa ng bath pool ay paulit-ulit nilang pinaliliguan ang kanilang mga alaga sa pagitan ng alas 10 ng umaga at alas-2 ng hapon.

    Ngunit sa kabila nito ay halos dalawa hanggang tatlong biik na kaaawat lamang sa inahin ang namamatay bawat araw.

    Ito ay dahil sa kung minsan ay nasosobrahan sa paligo ang mga biik at napupulmonya kaya nagkakamatay.

    “Ngayon ay mas kontrolado na ang temperatura sa kulungan dahil mga baboy na ang kumukontrol sa temperatura,” ani Dionisio at ipinaliwanag na kapag nainitan ang mga baboy ay lumulusong lamang ang mga ito sa bath pool, pagkatapos ay magpapagulong-gulong sa kulungan na ang sementadong sahig ay may makapal na ipa ng palay.

     Umabot sa P12,000 ang nagastos ng Amang Edong Farm sa pagpapagawa ng dalawang bath pool na idinagdag lamang sa kasalukuyang kulungan ng baboy.

    Ngunit sa kabila ng gastos na ito, sinabi ni Dionisio na malaki pa rin ang kanilang natipid dahil sa natigil ang pagkamatay ng kanilang mga alaga.

    Bukod dito, nakatipid din sila sa kuryente dahil tuwing umaga lamang pinapalitan ang tubig sa bath pool na mas matipid kumpara sa halos apat na oras na pagpapaligo sa mga ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here