Home Headlines SSS Baliwag, aagapay sa mga employers na makabayad ng kontribusyon

SSS Baliwag, aagapay sa mga employers na makabayad ng kontribusyon

395
0
SHARE

Umagapay ang Social Security System o SSS sa mga employers na hindi nakapaghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga miyembro. Sa pamamagitan ng kampanyang RACE o Run Against Contribution Evaders, pinaigting ang kampanya upang mapagbayad ang mga hindi nakakabayad upang mapangalagaan ang mga benepisyo ng mga empleyado sa pribadong sektor. (Shane F. Velasco/PIA-3)


 

BALIWAG, Bulacan – Tutulungan ng Social Security System o SSS Baliwag ang mga employers na hindi nakapaghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado na makapagbayad sa pamamagitan ng mas pinadaling paraan.

Sa ginanap na Run Against Contribution Evaders o RACE sa mga bayan ng San Rafael, Baliwag, at Pulilan, nasa anim na employers ang tinuruan kung paano makakabayad sa takdang panahon upang hindi masampahan ng kaso.

Sila ay pawang mga nasa sektor ng automotive services, land surveyor, oil franchisee, at food and restaurant industry. Aabot sa P3.3 milyon ang hinahabol ng SSS Baliwag mula sa nasabing employers.

Ayon kay SSS Luzon Central 2 Vice President Gloria Corazon Andrada, ang RACE ay hindi lamang paghabol sa mga employers na may kulang o hindi nabayarang kontribusyon.

Aniya, isa rin itong kampanya upang ipaalam sa mga employer ang mga pamamaraang gaya ng Pandemic Relief and Restructuring Program [PRRP] 2 o ang Condonation of Penalties on SSS Contributions, at ang PRRP 3 o Enhanced Installment Payment System.

Pinakamatagal sa kanila na may kulang sa hulog ay noon pang taong 2002, 2014, at 2017 na pwede pang bayaran sa pamamagitan ng PRRP 3.

Sa pamamaraang ito, ang mga employer ay may hanggang Nobyembre 22, 2022 upang makapagsumite sa SSS Baliwag ng Application Installment Payment, Validated Contribution Form, mga kailangang suportang dokumento, at ang unang 5% ng kabuuang kulang na hulog.

Ipinaliwanag naman ni Marites Dalope, branch manager ng SSS Baliwag, na kung noong taong 2020 lamang may kulang na hulog ang employer dahil sa pandemya, maaari itong magbayad sa pamamagitan ng PRRP 2 hanggang Mayo 19, 2022, kung saan wala na itong babayarang penalty maliban sa principal na hulog at interes.

Ang mga employer na natukoy na may delinquency o kulang sa paghuhulog ng kontribusyon ay binigyan ng written order ni SSS Luzon Central 2 para makapagsimulang makapagbayad bago tuluyang masampahan ng kaso.

Aabot sa anim na taon na pagkakakulong ang parusa sa sinumang employer at maging mga opisyal ng kumpanya na may kaugnayan sa hindi pagkakahulog ng kontribuyson.

Kaugnay nito, binigyang diin pa ni Andrada na sa huli, ang karaniwang miyembro pa rin ng SSS ang makikinabang sa pagpapaigting na makolekta ang mga kontribusyon na hindi pa nabayaran.

Lumabas din sa ginanap na RACE operations na may mga empleyadong hindi makautang sa SSS dahil sa kulang o walang hulog mula sa employers.

Kung magiging kumpleto at tuluy-tuloy ang hulog sa kontribusyon para sa mga empleyado, mas mapapakinabangan nila ang mga benepisyo para sa mga miyembro ng SSS. (MJSC/SFV/PIA-3)

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here