Sa magkasunod na isyung pamamaril
Na kapwa naganap sa loob pa mandin
Ng sikat na Mall ay masasabi nating
Yan ay kawalan ng ‘safety measures’ na rin
Ng pangasiwaan ng SM at nitong
‘Security agency’ sa naturang Mall
Na siyang responsable sa kung anu-anong
Dapat ipa-iral bilang ‘safety measure’
Pero naturingang may ‘security guard’
Na kinakailangang mapagbantay dapat
Sa anumang iligal na aktibidad
At iba pang bagay na labag sa batas
Yan ay basta na lang yata nakatayo
Sa may ‘entrance’ ng Mall o tabi ng pinto,
(Kaya kanyon man ang ipasok ni Kiko
Ay di mapapansin nitong mga Sikyo?)
Sa puntong naturan, malinaw po nating
Nasisilip itong kakulangan mandin
Ng kasanayan o ng sapat na ‘training’
Itong mga Sikyo kung pakasuriin;
Kundi man posibleng mga bobo’t tanga
At di na natuto sa ilang ulit na
Pangyayaring ganyan itong mga guardya
Sa iba pang SM, liban sa Pampanga.
Sana noon pa mang sa iba pang SM
Ay nagawa ng naipasok ang baril
Ng suspek, at saka ito’y ginamit din
Sa kahalintulad na pangyayari rin
Ay natuto na yan at naging mahigpit
Sa pagrikisa ng iba’t-ibang gamit
Na ipinapasok sa lahat ng saglit
Upang ang ganito ay di na maulit;
Kaya lang maging ang pamunuhan nitong
SM, na siyang dapat sisihin sa puntong
Sila itong pangunahing ‘responsible’
Sa anuman, bilang may-ari nitong Hall
Ay tila hindi rin natuto ng ganap
Sa pangyayaring yan, na sila ang dapat
Unang kumastigo sa ahensyang sukat
Managot sa ganyang iregularidad;
Gaya nitong mga pangyayaring ganyan,
Sapagkat sila ang may pananagutan
Sa seguridad ng mga ‘consumers’ diyan
Na labas-masok sa kanilang bakuran.
Anong silbi nitong naturingang mayrun
Kayong ‘security personnel’ sa inyong
Mga malalaki at sikat manding Mall,
Kung sila ay basta nakatayo lang d’un?
O tinitingnan man n’yan ang dala-dala
Ng mga ‘consumers,’ pero hindi nila
Sinisiyasat ng mataman sa tuwina,
Kaya nailulusot ang kahit ano pa?
Na ipinagbabawal ng Saligang Batas
Upang ang lahat na’y manatiling ligtas
Sa anumang posibleng ikapahamak,
Partikular na sa ganyang komunidad
Na di lang lugar para makapag-‘shopping’
Kundi isang ‘venue’ para maglibang din;
Kaya marapat lang na yan ay sikapin
Ng SM, na maging ligtas lagi sa ‘tin;
Sa pamamagitan ng paglalagay diyan
Ng ‘Metal Detector’ at nitong iba pang
Mga makabagong klaseng kagamitan,
Na usong-uso na sa kasalukuyan!