Simple lang

    858
    0
    SHARE

    TAMANG GAMIT AT PARAAN. Aminin natin, madami tayong mga bagay na kinaiinisan sa Pinas lalo na ang ibat ibang mga transaksyon – sa bangko, sa mga telecom at maging sa proseso ng pag-aplay ng trabaho.

    Kung iisipin ay mga simpleng bagay na napakadaling solusyunan dahil sa kasalukuyang teknolohiya.

    Madalas, ginagawang komplikado ang simple at ginagawang mahirap ang dapat sana’y madaling paraan.  

    Hindi ko na babanggitin ang mga ito. Mas maigi na ikwento ko nalang ang ilang mga karanasan dito sa Doha, Qatar na pwedeng gayahin o kaya’y makapulot ang iba ng ideya.

    Matutuwa ka na sa pagbayad ng mga cellphone bills, pagtatanong ukol sa mga produkto o serbisyo ng kumpanya, ay hindi mo na kailangan pang pumila ng napakatagal.

    Pagpasok mo palang sa kanilang opisina na madalas ay nasa mall, may lalapit na sa iyong staff upang tumulong.

    Pagkatapos ay diretso kana magbabayad sa kanilang lima o anim na ATM machines na napakadaling gamitin, o di kaya ay ibibigay sa’yo ang kailangan mong impormasyon sa pamamagitan ng dala-dala niyang iPad.

    Sa pagbayad naman gamit ang credit o debit card, hindi mo kailangan pang pumirma kundi pipindutin mo nalang ang 4-numerong PIN sa terminal. Hindi narin hihingi ng sangkaterbang IDs para lamang alamin na ikaw nga ang may ari ng card. Basta alam mo ang PIN, ok na yun. 

    Sa pag-apply naman ng trabaho, hindi mo na kailangan pang magpa-print ng curriculum vitae (CV) at pumunta sa opisina ng kumpanya. Ang kailangan mo lang ay internet connection (o i-café) upang isend o i-attach ang  ‘yong CV sa website ng ina-aplayang kumpanya.

    Makakatipid ka nga naman sa pamasahe, gastos sa pagkain at sa pagod lalo na kung malakas ang ulan o mainit ang panahon. Magagamit mo pa ang madaming oras sa pag-aplay sa ibang mga kumpanya.

    Pagka-register mo sa kanilang website, kaagad na may sagot (o confirmation) sa iyong email na natanggap nga nila ang iyong CV o application.

    May isang paraan pa ng paghahanap ng trabaho dito na medyo madali. Pwede kang magpa-ads sa mga pahayagan at magbayad ng 60 Qatar Riyals kada 25 na salita. Kung gusto mong lumabas ito ng tatlong beses, halimbawa Linggo, Lunes at Miyerkules, ay magbabayad ka ng QR 180.

    Siguraduhin mo lang na nakalagay ang iyong cellphone number. Pagka-labas ng ads ay umupo kana lang at maghintay ng mga tawag mula sa mga employers.

    Sabi ko nga dati, madali ang pag-aplay ng linya ng telepono/cellphone dito. Importante lang ay may trabaho ka.

    Magpi-fill-up kalang ng form, pipirma at pagkabigay sa papel sa staff, approve na kaagad.

    Wala ng marami pang tanong at wala na silang hihingin pang mga dokumento. Sapat na ang isang ID.

    Hindi kana papagurin para magsumite ng payslip, certificate of employment at billing statement, at pagkatapos ay irereject din ng kumpanya. Ang labo nila diba?

    Napaka-simple lang sana pero madalas ay ginagawa nilang komplikado at pinapahirapan pa ang mga tao.

    q q q

    PARANGAL. Paalam Ka Nene Bundoc-Ocampo, 59, beteranang mamamahayag at tagapaglathala ng pahayagang Punla sa Bulacan.

    Biglaan ang pamamaalam ni Ka Nene dahil nakasama pa siya ng ibang miyembro ng Philippine Press Institute-Luzon group sa isang pagtitipon noong Hunyo sa Trinoma sa Lungsod ng Quezon.

    Madaming beses ko rin siyang nakasama sa ibat ibang mga seminar-workshops at trainings ng PPI sa Maynila. Huli kaming nagkausap noong Abril sa Press Forum na ginanap sa Traders Hotel kasama si Dino Balabo at iba pang mga mamamahayag.

    Ayon kay Dino, si Ka Nene ay nagsimula sa Philippine News Agency (PNA) bilang Pilipino Editor. Isa din siya sa nagpasimula at nagtatag ng pahayagang Mabuhay noong 1980. Nagtrabaho din umano siya bilang desk editor ng Pilipino Star Ngayon noong huling bahagi ng dekada 80.

    Ka Nene, mananatili ka sa aming mga puso.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here