Ex-bodyguard ng mayor binaril, patay

    439
    0
    SHARE

    ORION, Bataan- Sa hindi pa malamang dahilan, binaril at napatay Sabado ng gabi sa loob ng isang apartment dito ang dating bodyguard ng isang mayor.

    Kinilala ni Chief Insp. Elmer Santiago, Orion police chief, ang biktima na si joey Sabino, 51, ng Camachile, Orion, na nagtamo ng tama ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

    Nakakuha ang mga police investigators ng walong basyo ng bala, pitong deformed slug at isang hindi pumutok na bala, lahat mula sa baril na kalibre .45.

    Ayon kay Precy Sabino, wala siyang alam na kagalit ang asawa na umano’y dating bodyguard ni Orion Mayor Jose Santos. Malapit na rin umanong umalis ang asawa upang magtrabaho sa Qatar.

    Batay sa police report, kasalukuyang kumakain patalikod sa main door ang biktima sa isang apartment sa Barangay Sto. Domingo nang biglang pumasok bago mag-alas-8 ng gabi ang dalawang lalaki sa pamamagitan ng puwersahang pagbukas sa screen door.

    Matapos makapasok, agad pinaputukan ang biktima ng malapitan ng dalawang lalaking parehong naka-jacket at may suot na crash helmet. Tumakas diumano ang dalawang lalaki gamit ang isang motorsiklong nakaparada sa hindi kalayuan sa apartment.

    Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here