HINDI IBINEBENTA ang Pilipinas. Hindi ipinauubaya ang ating likas na yaman. Hindi isinusugal ang ating kalikasan.
Ito ang mariing paninindigan ng Holy Angel University – University Student Council (HAU-USC) sa harap ng isinusulong na Pax Silica Initiative ng Estados Unidos.
Bilang kinatawan ng sangkaestudyantehan ng Holy Angel University, naniniwala kami na ang tunay na pag-unlad ay hindi lamang nasusukat sa dami ng trabahong maaaring malikha, ngunit nasusukat ito sa kakayahan nitong pangalagaan ang ating soberanya, likas na yaman, at tiyaking ang pinakamalaking pakinabang ay mapupunta sa sambayanang Pilipino.
Ang Pax Silica ay isang oportunidad upang gawing sentro ng artificial intelligence, semiconductor manufacturing, at advanced technologies ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatatag ng humigit-kumulang 1,618 ektaryang economic security zone sa New Clark City, Tarlac. Ipinapangako nito ang pamumuhunan, bagong trabaho, at pag-unlad ng ekonomiya.
Kinikilala namin ang mga posibleng benepisyong ito. Ngunit ang mga benepisyong ipinapangako ay hindi kailanman dapat maging sapat na dahilan upang ipikit natin ang ating mga mata sa mga usaping dapat sagutin ng pamahalaan.
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansang mayaman sa nickel, copper, ginto, at iba pang kritikal na mineral na mahalaga sa pandaigdigang industriya ng AI at semiconductors. Gayunman, nananatiling maraming Pilipino ang hindi lubos na nakikinabang sa sariling likas na yaman. Hanggang ngayon, marami pa ring komunidad ang kulang sa malinis na tubig, nahihirapan sa mataas na halaga ng kuryente, at naghihintay ng disenteng kabuhayan.
Kaya makatarungan lamang na itanong: kung ang ating lupa, mineral, tubig, at enerhiya ang magiging pundasyon ng isang proyektong tulad ng Pax Silica, paano matitiyak na ang unang makikinabang ay ang sambayanang Pilipino?
Hindi sapat ang pangakong trabaho kung ang kapalit nito ay mga panganib na hindi pa ganap na naipaliliwanag. Ang tunay na usapin ay hindi lamang kung ilang trabaho ang malilikha, kundi kung paano mapangangalagaan ang ating likas na yaman, paano maiiwasan ang pinsala sa kalikasan, paano mapapalakas ang sariling kakayahan ng Pilipinas sa agham at teknolohiya, at paano matitiyak na hindi tayo magiging tagapagsuplay lamang ng hilaw na materyales habang ang pinakamalaking halaga ng produksyon at inobasyon ay napupunta sa iba.
Hindi maaaring maliitin ang usapin ng kalikasan. Ang mga industriyang may kaugnayan sa artificial intelligence (AI) at semiconductor manufacturing ay nangangailangan ng napakalaking suplay ng tubig at enerhiya.
Sa panahong maraming Pilipino ang araw-araw na nakararanas ng kakulangan sa tubig at mataas na halaga ng kuryente, hindi maaaring ang sambayanang Pilipino ang magtipid sa mga batayang pangangailangan habang ang ating likas na yaman ay inuuna upang suportahan ang mga industriyang ang pinakamalaking pakinabang ay maaaring mapunta sa iba. Hindi maaaring ang mamamayang Pilipino ang magbayad ng halaga habang iba ang umaani ng pinakamalaking pakinabang.
Kasabay nito, mariin naming iginigiit ang ganap na transparency. Ang anumang kasunduang may direktang epekto sa ating lupa, likas na yaman, ekonomiya, at pambansang kinabukasan ay hindi dapat isinasagawa nang kulang sa impormasyon o limitado ang pampublikong pakikilahok.
May karapatan ang sambayanang Pilipino na malaman ang kabuuan ng kasunduan, ang mga obligasyon ng bawat panig, ang mga mekanismo ng pananagutan, ang mga garantiya sa pangangalaga ng kalikasan, at ang mga katiyakang tunay na uunahin ang pambansang interes.
Sa nalalapit na State of the Nation Address, inaasahan ng HAU-USC na malinaw na tutugunan ng Pangulo ang mga usaping may kaugnayan sa Pax Silica. Umaasa rin kaming ilalahad sa sambayanang Pilipino ang tunay na saklaw ng kasunduang ito, ang mga garantiya sa pangangalaga ng ating likas na yaman at pambansang soberanya, ang mga mekanismo ng transparency at pananagutan, at ang mga kongkretong hakbang upang matiyak na ang anumang pag-unlad ay tunay na maglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Bilang mga Angelite at kabataang Pilipino, naninindigan kami na ang teknolohiya ay dapat magsilbi sa tao, hindi ang tao ang magsisilbi sa teknolohiya. Ang pag-unlad na walang pananagutan ay hindi tunay na pag-unlad. Ang inobasyong inuuna ang dayuhang interes kaysa kapakanan ng mamamayang Pilipino ay hindi pambansang tagumpay.
Hindi ibinebenta ang Pilipinas. Hindi sapat ang pangakong trabaho kung kapalit nito ang ating kinabukasan.
Junk Pax Silica! Resist US Imperialism!



