‘Serbisyong Ala-Jesse Robredo,’ pamantayan sa serbisyo publiko

    872
    0
    SHARE

    Ginaganap bawat taon ang “Oscar Awards” upang kilalanin ang mga natatanging obra sa pelikula.

    Nariyan din ang “Grammy” para sa awit.

    Ako naman umaasang mailulunsad ang “Jesse Robredo Awards for Good Governance,” para kilalanin ang mga natatanging LGU,  at mga opisyal at kawani na magsasabuhay sa mga halimbawa ni DILG Secretary Robredo, bilang pinuno at lingkod bayan.

    Ang napaagang paglisan ng kalihim ay nagpalungkot ‘di lamang sa kanyang pamilya, ka-trabaho, kasama ka lapiang Partido Liberal at kababayan, kundi sa buong sambayanan na nagpapahalaga sa serbisyo publiko.

    Lalo na nang narinig natin ang maraming kwento tungkol sa kanyang kabutihan – bilang ama ng pamilya, ama ng Naga City, at ama ng DILG, na namamahala sa Philippine National Police, Napolcom, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Fire Protection.

    Isa siyang malaking kawalan.

    Ngunit pinapawi naman ang lungkot ng kanyang paglisan ng mga “iniwan” niya sa atin. Ito ang mga halimbawa ng maka-Pilipinong paraan ng serbisyo publiko, lalo na sa pagtataguyod ng mga LGU, sa simple, ngunit matuwid na paraan.

    Hindi siya nasilaw sa kapangyarihan, kundi naging tapat na lingkod bayan at lider. Kaya kung tutuusin, buong bansa ay patuloy na makikinabang, bagamat siya’y lumisan na, dahil dumagsa naman ang pagdodokumento ng mga kuwento at alaala ng kanyang kabutihan at kagalingan.

    Ang Jesse Robredo Awards for Good Governance ay napapanahon. Sa paglunsad nito bilang paggunita sa kanyang mga kontribusyon sa pag-unlad ng mga LGU, maitatanim sa marami ang kanyang mga iniwang kabutihan at kahusayan.

    Ang isang tulad ni Jesse Robredo ay marapat na gawing bagong sukatan ng makabuluhan, malinis, matuwid, at maka-Pilipinong liderato sa ating mga LGU.

    Hindi kalabisan ang kumilala ng pambihira, ngunit magiging kakulangan kung palalampasin natin ang sigaw ng pagkakataon.

    Kaya mapalad tayo at naging bahagi ng pamahalaan ang tulad ni Secretary Robredo dahil pinamanahan niya ang bayan ng kanyang istilo sa pangangasiwa at paglilingkod.

    At napatunayan din sa track record ng kalihim na ang pagiging tapat sa tungkulin ang nagbigay ng lakas at tapang kanya upang tuldukan ang mga ilegal na gawain tulad ng jueteng at ibang sugal sa Naga City kung saan naglingkod siya bilang mayor sa loob ng 18 taon.

    Isa sa paborito kong sinabi ni Sec.Jesse, “Hindi lahat ng may husay at galing ay tapat sa tungkulin, at hindi lahat ng tapat sa tungkulin ay may husay at galing.”

    Malalim ang kahulugan nito. Ngunit tinumbok  niya ang mga simpleng sangkap sa matuwid na sistema ng pamamahala sa gobyerno. At ito marahil ang nais niyang isabuhay ng ating mga lingkod bayan.

    Ang makabuluhang pagkilala sa mga natatanging kawani at lider sa mga LGU ang lalong magpapalabong sa mga katangian ng kalihim na alam nating nakatanim na sa maraming kawani ng gobyerno, tulad ng mga traffic enforcers, manggagamot, guro, pulis, sundalo, health workers, at mga ordinaryong manggagawa na kahit salat sa yaman, buo naman ang serbisyong pinagkakaloob.

    Bukod sa indibidwal na kategorya, pwede ring kilalanin ang mga LGU na umunlad at nagbago dahil sa bukas na pamamahala an may mahalagang sangkap ng partisipayon ng mga mamamayan..

    Maaaring magkaroon ng mga Robredo awardees para sa budget and finance, peace and order, public health, environment protection, sanitation, job and livelihood creation, sa pagsulong ng libreng edukasyon, maging ang LGU na pinaka-bukas (transparent) at may pinaka-maayos at komprehensibong website, bilang pagkilala sa Freedom of Information na magiging bantay laban sa katiwalian.

    Maaaring magtulung-tulong ang UP-National Colege of Public Administration and Governance, Ateneo School of Government, Development Academy of the Philippines, DILG, at Civil Service Commission upang balangkasin ang mga taluntunan para sa  “Jesse Robredo Awards for Good Governance.”

    Ang pinamalas niyang husay, galing at katapatan sa tungkulin ang magsisilbing “template” o sukatan ng isang  mabuting lingkod bayan, gayon din sa mga LGU na nais nang burahin ang bahid ng korupsiyon at katiwalian sa kanilang pangasiwaan.

    Syempre kailangan kasama ang Department of Budget and Management na siyang magbibigay ng Special Allotment Release Order o SARO o, sa madaling salita, kaukulang pondo para sa mga LGU na mananalo, at siguro, naisantabing podo mismo ng DILG para naman sa mga indibidual na cateorya.

    Maaari ring pagkunan ng pondo ang naisabatas ng panukala na tinatawag na People’s Survival Fund bilang Republic Act 10174 kung saan ang pamahalaan ay maglalaan ng pondo bilang pabuya sa mga LGU na makabubuo ng komprehensibo at sustanableng programa ng paghahanda sa nagbabagong klima.

    Sa paglulunsad ng Jesse Robredo Awards for Good Governance, sana’y dumami pa ang magsasabuhay ng mga kabutihan at halimbawa ng ating ini-idolong kalihim ng DILG – simple, may husay at galing, at tapat sa tungkulin.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here