Home Opinion Sapang panquiary sa San Simon, di pa rin malinis magpahanggang ngayon

Sapang panquiary sa San Simon, di pa rin malinis magpahanggang ngayon

1246
0
SHARE

Buwan pa ng Agosto ng nagdaang taon
Nang pasimulan ang cleaning operation
Sa sapang panquiary dito sa San Simon
Na di pa rin tapos magpahanggang ngayon

Sapang panquiaring di matapos-tapos
Tatlong barangay ang dito’y sumasakop
Ang Sta. Monica, Saluzu, Tulaoc
Na may habang tatlong kilometro halos

Mga water lily nilang inaalis
Sa sobrang tagal ay yumabong na ulit
Puna ng marami kung saan malinis
Ay palaging doon lang pabalik-balik

Yaong ginagamit nilang makinarya
Na kahalintulad din ng tilyadora
Laging nasa gilid at nakaparada
Mga trabahador ay namamahinga

Ang proyekto nila pa’no matatapos
Kung tauhan nila’y hindi kumikilos?
Hindi lumalabas laging nasa loob
Ng tirahan nila at palaging tulog

Tulad ng nabanggit mula pa Agosto
Hanggang sa araw na malathala ito
Ang nalinis lang ng kontratista nito
Wala pa kahit na isang kilometro

Noong una sila’y napaka-sigasig
Trabaho’y maayos at napakabilis
Ngunit nang lumaon, nagpa-petiks-petiks
Nakahimpil na lang kung saan malinis

Nang sa golden street sila makarating
Sapagkat may tulay ay dagling tumigil
May isang nagwika, nang sila’y tanungin
Lilipat daw sila sa may San Agustin

Diumano doon muling sisimulan
Paglilinis nila sa sapang naturan
Ngunit hanggang ngayon di pa nasimulan
Trabaho’y natengga halos ng limang buwan

Sinasahuran ng walang ginagawa?
Sa mamamayan ay hindi na nahiya?
Dahil sa kaban ng bayan nagmumula
Ang pondo para lang malinis ang sapa

Anong ginagawa nitong tagasiyasat
Sa proyektong itong natapos na dapat
Hindi naman kaya ito ay kasabwat?
Mga trabahador na ubod ng tamad

DPWH, ang sigaw ng bayan
Kontratista ninyo sana ay bantayan
Ang inyong ahensiya ang napupulaan
Ng mamamayan sa nabanggit na lugar

Nasabing proyekto sana’y bigyang pansin
Dahil sa matagal na ngang nakabinbin
Ang kontratista ay dapat kastiguhin
Upang ang trabaho nila’y madaliin

Alam kong ang hangad ninyo’y kaunlaran
Sa ikasusulong nitong ating bayan
Ngunit ang proyekto kapag nagtatagal
Ang pag-asenso ay nagiging mabagal

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here